Duterte, napaluha sa mainit na pagtanggap sa kanya sa Israel

Sa unang araw ng makasaysayang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang Israel ay napaluha sa tuwa ang Pangulo sa naging mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Pagdating ng Pangulo ay agad itong nakipagkita sa 1,400 Filipino Workers sa Ramada Hotel.

Sa ikalawang araw, ay nakipagpulong ang Pangulo sa Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Kung saan nilagdaan ang tatlong bilateral agreement.

Partikular na ang Memorandum Of Understanding on Scientific Cooperation, Memorandum of Intent on the Collaboration on Promotion of Bilateral Direct Investment at Memorandum Of Agreement on the Temporary Employment of Home Based Caregivers.

Sa paglagda sa huli, inaasahan na mababawasan na ng walo hanggang labing dalawang libong dolyar  ang binabayarang placement fee ng isang Caregiver sa Israel.

Ayon kay Netanyahu, saludo sila sa dedikasyon at sakripisyo ng mga pinoy Caregivers na nangangalaga sa libu-libong jewish families.

Aniya, maging ang kaniyang pamilya ay dumaan sa matalino at mapagmahal na kamay ng isang Filipina Caregiver, matapos alagaan ang kanyang ama hanggang ito ay sumakabilang buhay sa edad na 102.

Ayon naman kay Pangulong Duterte isang karangalan ang pagbisita niya doon. Pinasalamatan niya ang israel dahil sa magandang pagtrato sa mga OFW.

Si Duterte ang kauna-unahang presidente ng pilipinas na bumisita sa nasabing bansa.

Bahagi ng delegasyon ng punong ehekutibo sa kanyang biyahe ang ilang miyembro ng gabinete tulad nina Executive Secretary Salvador Medialdea, Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Labor Secretary Silvestre Belo III, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Trade Secretary Ramon Lopez at Energy Secretary Alfonso Cusi.

Kabilang din sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Special Assistant to the President Bong Go, Senator Richard Gordon at sina Nueva Ecija Governor Czarina “Cherry” Umali kasama ang Ama ng Lalawigan Atty. Aurelio “Oyie” Umali.

Isang karangalan aniya na ma-imbitahan sa state visit ng Pangulo.

Sa pag-imbita ng Pangulo sa Gobernadora ay inaasahan na direktang makikinabang ang lalawigan, pagdating sa mga baon ni Duterte sa pag-uwi sa Pilipinas. Kagaya ng investments na may kinalaman sa irrigation, information technology at marami pang iba.

Isa na rito ang student exchange program para sa mga agriculture students ng Nueva Ecija na posibleng makarating sa bansang Israel.

Tiniyak ng Gobernadora, na maraming Novo Ecijano ang makikinabang dito. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *