Edukasyon at kabuhayan para sa mga katutubo, tututukan ng bagong halal na IPMR sa Sangguniang Panlalawigan

Pangunahin umanong nakikitang pangangailangan ng bagong halal na IPMR o Indigenous Peoples Mandatory Representative na si Board Member Emmanuel “Tamboy” Domingo ang edukasyon at pangkabuhayan para sa mga katutubo dito sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa eksklusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Bokal Tamboy, inihayag nito na ang unang pangarap niya para sa kanyang mga kapatid na katutubo ay ang edukasyon na nakikita niyang isa sa mahalagang susi para pagkamit ng kanilang mga pangarap.

Prayoridad din ng bokal ang mga programang pangkabuhayan gaya ng pagtuturo kung paano mag-alaga ng mga hayop, magtanim ng mga halaman at makagawa ng mga produktong maaaring pagkakitaan bilang panustos sa pang araw-araw na pamumuhay.

Isusulong din nito aniya ang pagpapagawa at pagsasaayos ng kanilang mga kalsada patungo sa kabayanan upang mas mapadali ang transportasyon  kung sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.

Si Bokal Domingo ay nanggaling sa tribu ng Dumagat sa Sitio Pag-asa, Malinao, Gabaldon, Nueva Ecija.

Ang kanyang ama na si Apolinario Domingo Sr. ay nagmula sa tribu ng Tinggian sa Nueva Vizcaya habang ang kanyang ina naman na si Leonicia Domingo ay taal na taga-Gabaldon at kabilang sa tribu ng Dumagat.

Isa din sa mga dahilan kung bakit edukasyon ang pangunahin nitong prayoridad dahil kagaya niya na dumaan sa Alternative Learning System o ALS  upang makamit ang diploma sa high school ay nais din niyang mabigyan ng wastong kaalaman ang mga katutubo.

Bago pa man siya maihalal bilang kinatawan ng katutubo sa Sangguniang Panlalawigan ay naging federation secretary din siya ng Dumaget ng Gabaldon mula 2013 hanggang 2017 at noong 2018 ay tumulong sa mga katutubo sa pamamagitan ng pag-asiste sa mga ito bilang Administrative Aide ng NCIP – Dingalan Service Center.

Hindi aniya naging madali ang kanyang pinagdaanan para maging tinig ng mga katutubo sa sanggunian kaya naman labis ang naging pasasalamat niya sa kanyang mga ka-tribu na naniwala at sumuporta sa kanya at umasa aniya ang mga ito na gagampanan niya ng maigi ang kanyang tungkulin at tutulungan niya ang mga ito sa abot ng kanyang makakaya.

Nagpasamalat din ang bokal kay Governor Aurelio Umali at Vice Governor Anthony Umali dahil sa umaapaw na suporta at pagtulong nito sa mga katutubo.

Nakatakdang maupo si Bokal Domingo sa Sangguniang Panlalawigan sa susunod na taon pagkatapos ng panunungkulan ni IPMR Andrew Biscalog sa January 30, 2020. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Edukasyon at kabuhayan para sa mga katutubo, tututukan ng bagong halal na IPMR sa Sangguniang Panlalawigan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *