Edukasyon para sa mga batang may kapansanan, isinusulong ng DepEd Region III

Nagsama-sama ang dalawampung schools division office mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Region III para sa 2018 Regional SPED Convergence na ginanap nitong May 24 sa Nueva Ecija Convention Center.

Ayon kay DepEd Regional Director Malcolm Garma, layunin nila ritong mapalawak ang kanilang adbokasiya na isulong ang inclusive education kung saan nais nilang mabigyan ng pantay-pantay na oportunidad ang lahat ng mga bata na makapag-aral, anuman ang abilidad at katayuan nito sa buhay.

Pahayag naman ni Schools Divivision Superintendent Ronaldo Pozon, isa rin sa mga layunin ng kanilang programa ay mailabas ang mga talento, kakayahan at talino ng mga SPED Students.

Agaw-pansin naman dito ang exhibit kung saan tampok sa bawat booth ng mga schools division office ang mga likhang sining at pagkaing ginawa ng mga LSENs o Learners with Special Education Needs.

Bukod sa exhibit, naipamalas din ang talento ng mga SPED students ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng pagsasayaw at pagkanta.

Kaugnay nito ay dumalo rin ang ilang mga stakeholders na kasamang pumirma sa pledge of commitment sa naturang programa.

Samantala, inaasahan naman ng DepEd Region III ang pagtanggap at pag-unawa sa SPED Program ng buong komunidad. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *