Estudyante, patay sa aksidente sa motorsiklo; 2 patay, 3 sugatan sa pagbangga ng closed van sa trailer truck

Namatay habang ginagamot sa Talavera General Hospital ang driver at isa sa dalawang kasama nito sa closed van na bumangga sa trailer truck with container na nakaharang sa Maharlika Highway, barangay San Pascual Talavera noong January 21, 2020.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Willy Solis y Cereno, 44 years old, may asawa, driver, residente ng barangay Nilumbot, Mapandan, Pangasinan at Rujin Dacaymat y Baylon, 20 years old, pahinante, binata, naninirahan sa Gueguesangen, Sta. Barbara, Pangasinan.

Himalang nakaligtas ang kasama nila sa closed van si Alexander Aranas y Dagohoy, 49 years old, may asawa, driver, at residente ng Sta. Quiteria, Caloocan City.

Sugatan naman ang driver at pahinante ng trailer truck na sina Gonzalo Calipes Jr. y Rizabal, 46 years old, may asawa, driver, at Jefferson Calipes y Catalag, 20 years old, binata na kapwa residente ng Balut, Tondo, Manila.

Una rito, ayon sa pagsisiyasat ng Talavera Police, alas tres singko ng madaling araw bumibyahe patungong norte sa San Jose City ang closed van habang ang trailer truck naman ay papunta sa kabilang direksyon.

Iniwasan umano ng driver ng trailer truck ang isa pang sasakyan kaya tumama ito sa sanga ng puno ng Acacia kaya nalaglag ang container van at bumalandra sa kalsada kungsaan sumalpok ang closed van.

Samantala, patay ang isang estudyante habang ligtas naman ang angkas nito matapos bumangga sa poste ng kuryente sa barangay Triala, Guimba noong January 18, 2020.

Kinilala ang mga biktimang si Joseph Villanueva y Taloseng, 19 na taong gulang  at kasama nitong Jayson Ramos y Torres, 18 anyos na pawang mga residente ng barangay Bunol ng naturang bayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas kwatro ng hapon, magkaangkas ang mga biktima sa motorsiklo habang binabagtas ang  kahabaan ng Guimba-Baloc- Sto Domingo road ngunit pagdating sa barangay Triala ay bumangga ang mga ito sa isang poste ng kuryente ng NEECO 2 at dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang dalawa.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Villanueva ng attending physician na si Dr. Neil Mateo.

Ayon sa ilang nakakita sa aksidente, may nilihisang kolong-kolong ang driver ng motorsiklo kaya ito sumemplang at sumalpok sa poste.

Hindi rin naman daw nakainom ng alak ang mga biktima ngunit mabilis ang takbo ng motorsiklo.- ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *