Feeding program para sa lahat ng Elementary Public Schools, plano ni Governor Umali

Sa ika-labing tatlong episode ng programang Usapang Malasakit sa Lipunan ni Governor Aurelio Umali sa himpilan ng Nueva Ecija TV48 ay inihayag nito ang kanyang planong feeding program para sa lahat ng mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan ng elementarya sa lalawigan.

Ayon kay Governor Umali, sa proseso ng paggiling sa mga pinamiling palay ng kapitolyo para maging bigas ay hindi naiiwasan na magkaroon ng mga broken rice na maaaring gamitin sa feeding program na planong isagawa sa susunod na taon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education at pakikipagtulungan sa PTA o Parents and Teachers Association ng mga eskwelahan.

Sinabi ng gobernador na mahalaga na ang bawat mag-aaral ay may sapat na nutrisyon bago pumasok sa paaralan upang mas madali nitong maunawaan ang mga aralin na itinuturo ng kanilang mga guro.

Dagdag nito, upang mas maging masustansya ang lugaw ay lalagyan din nila ito ng itlog na manggagaling naman sa mga benepisyaryo ng Micro Layering Livelihood Assistance Program ng provincial government na ilulunsad sa Disyembre ng taong kasalukuyan.

Ani Governor Oyie, sa halip na pera ang ibabayad ng mga benepisyaryo ay itlog na lamang ang kanilang hihingin sa mga ito upang maging katuwang ng feeding program.

Matapat ding sinabi ni Umali na may isang libong kaban na nabiling palay ang kapitolyo na hindi na maaaring isama sa Malasakit Rice dahil medyo may amoy na, ngunit maaari pa rin aniyang pakinabangan sa pamamagitan ng pag-alok nito sa mga mag-iitik o gawing darak para sa livestocks.

Mababa man ang presyo ng darak kumpara sa pagbili ng palay ng Provincial Food Council ang mahalaga daw ay nakatulong ito sa mga lokal na magsasaka at nagbigay ng sigla sa kanila sa kabila ng pagbagsak ng presyo ng palay.

Bunsod naman ng kahilingan ng mga Novo Ecijanong walang kakayanang makabili ng 25 kilos ng Malasakit Rice ay pinaplano na ring magkaroon nito ng isa hanggang limang kilo sa merkado.— Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/kk3JH7_NwBI


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *