Financial Assistance para sa ipatatayong Pamilihang Bayan ng Cabiao, pinagtibay ng sangguniang panlalawigan

Pinagtibay sa unang pagbasa sa ika-pitong regular na sesyon ng sangguniang panlalawigan noong Lunes, February 17 ang pagkakaloob ng financial assistance ng pamahalaang panlalawigan para sa pagpapatayo ng annex building ng Pamilihang Bayan ng Cabiao.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, ang pagpapatayo ng pamilihang bayan ay nakapaloob na sa mga proyekto at programang pinondohan sa annual budget ng provincial government na kanilang inaprubahan noong nakaraang taon.

Bahagi din aniya ito ng regular na proyekto at programa ng kapitolyo na ibinababa sa mga bayan upang makapaghatid ng serbisyo at malasakit sa mga Novo Ecijano.

Inaprubahan din ng SP ang pagbibigay ng otoridad sa pamahalaang panlalawigan sa katauhan ni Governor Aurelio Umali na makipagkasundo sa Department of Health at recipient District Hospitals para sa mga programa at serbisyong pangkalusugan na taun-taon namang isinasagawa sa lalawigan.

Kabilang din sa niratipikahan ng sangguniang panlalawigan sa ilalim ng supplemental agenda ang terms and condition ng loan agreement ng pamahalaang panlalawigan at ng Development Bank of the Philippines na gagamitin sa pagbili ng medical equipment na may pondong P10, 000, 000, pagpapatayo ng sariling rice mill ng probinsya na nagkakahalaga ng P450, 000, 000, at commercial complex na nilaanan ng P550, 000, 000.

Sinabi ni Umali na makatutulong ng malaki ang loan na ito para sa tuloy-tuloy na programa ng ELJ Memorial Hospital sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga nangangailangan at ang pamimili ng palay ng kapitolyo para matulungang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka sa probinsya.

Nagpasalamat naman ang bise gobernador kay Governor Oyie Umali at sa nagkakaisang miyembro ng SP dahil sa kanila aniyang sama-samang pagsusumikap ay nagkakaroon ng agarang resulta o mabilis na pagtugon sa mga kahilingan na may kinalaman sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan bilang bahagi ng kanilang paglilingkod sa bayan.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Financial Assistance para sa ipatatayong Pamilihang Bayan ng Cabiao, pinagtibay ng sangguniang panlalawigan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *