First batch ng listahan ng farmer beneficiaries ng Nueva Ecija Provincial Food Council, ilalabas na

Ilalabas na sa susunod na linggo ang unang batch ng listahan ng mga magsasakang benepisyaryo ng Nueva Ecija Provincial Food Council na pagbibilhan ng sariwa o basang palay sa mas mataas na presyo sa darating na October 2019.

Sa panayam kay Governor Aurelio Umali, sinabi nito na ilalathala na sa social media next week ang inisyal na listahan ng mga na-validate na pinaka mahihirap na magsasakang bilbilhan ng palay ng pamahalaang panlalawigan sa halagang Php 15.00 hanggang Php17.00 depende sa variety ng bigas.

Ipinaliwanag ni Governor Umali sa kanyang programang Usapang Malasakit sa Lipunan sa DWNE AM Station noong September 3, 2019 na uunahin ang mga mga magsasakang  may sinasakang isang ektaryang lupain pababa dahil sila ang nangangailangan ng kagyat na tulong.

Sa pamamagitan anang gobernador ng tatlong pahinang questionnaire ay mava-validate ng mga tauhan ng kapitolyo kung kwalipikado bang maging benepisyaryo ang isang magsasaka.

Ibinalita ni Gov. Aurelio Umali sa mga miyembro ng Provincial Food Council na magpapautang ng kalahating milyon ang DBP at LBP para pandagdag pondo sa pagbili ng palay.

Prayoridad sa pagbibilhan ng palay ang mga magsasakang aktuwal na nagbubungkal ng lupa, walang sariling lupa, namumuwisan, namomorsyentuhan at mga umaasa sa sahod ulan.

Pero kalaunan inaasahang isasama na rin pati ang mga magsasakang may lupang sinasaka na mahigit sa isang ektarya kapag lumaki na ang pondo para sa pagbili ng palay na may initial budget na Php200-M na idineposito sa Development Bank of the Philippines noong July 5, 2019.

Nadagdagan pa umano ito ng Php200-M na idineposito naman noong August 1, 2019.

Ipinagmalaki ng gobernador na ang pera ay galing sa surplus ng pondo sa panahon ng panunungkulan ng kanyang kabiyak na si Governor Czarina β€œCherry” Umali.

Masaya ring ibinalita ni Governor Oyie sa second meeting ng Provincial Food Council noong September 3, 2019 na kinausap ni Agriculture Secretary William Dar ang DBP at Land Bank of the Philippines para pautangin ang probinsya ng Php500-M sa mababang interest na 2%.

Tiniyak din ni Governor Umali na kahit na matapos ang anihan ngayong taon ay magtutuluy-tuloy pa rin ang paghahanap at validation ng mga farmer beneficiaries.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *