Free Testing- HIV screening, inihandog sa pagdiriwang ng 51st Founding Anniversary ng ELJ Memorial Hospital

Naghandog ng free testing- HIV screening ang Provincial Health Office sa pagdiriwang ng 51st Founding Anniversary ng ELJ Memorial Hospital.

Umabot sa limampong Novo Ecijano ang nag-avail ng libreng test at screening sa HIV, syphilis testing para sa mga buntis at blood typing kaugnay ng ginanap na National Hospital Week sa ELJ noong Huwebes August 8, 2019.

Ayon kay Joanna Marie Manansala, Provincial HIV Educator, nakaaalarma ang sitwasyon sa ating bansa dahil araw-araw ay may naitatalang 36 na positibo sa HIV. Mula 1984 hanggang ngayong taong 2019 ay lumubo na sa 60, 000 cases ang HIV.

Dito sa Nueva Ecija, pangatlo aniya tayo sa buong Region 3 sa may pinaka mataas na kaso ng HIV positive na may 600 cases.

Bukod sa free testing- HIV screening ay nagbigay din ng libreng syphilis testing para sa mga buntis at blood typing ang PHO.

Kaya naman pinaiigting ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali ang HIV awareness para maiwasan ang sakit na ito.

Ang Human Immuno Deficiency Virus na naipapasa ng tao sa kapwa tao ay nagpapahina sa natural na depensa ng ating katawan. Hanggang sa ngayon ay wala pa ring gamot na natutuklasan na nagpapagaling nito.

Nakukuha ito sa tatlong pamamaraan; sa pakikipagtalik ng walang proteksyon, naipapasa ng buntis na na may HIV sa sanggol sa kanyang sinapupunan at pagsasalin ng dugo o pagtuturok ng heringgilya na kontaminado ng HIV.

Paliwanag ni Manansala, kapag sinuri ang dugo sa pamamagitan ng HIV kit at lumabas ang isang linya, ibig sabihin ay non-reactive o negative. Pero kapag dalawang linya o reactive, posibleng positive.

Para makumpirma ang resulta, inirerefer ang mga positibo sa apat na HIV hub sa lalawigan; sa PJG Memorial and Research and Medical Center, Premiere Medical Center, Talavera General Hospital at Guimba Community Hospital.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *