Gamot, laboratory test at iba pang libreng serbisyong medikal, hatid ng Socialized Program for Indigent Patients ng pamahalaang panlalawigan

Para kina lola Candida Sabado, pitumpu’t tatlong taong gulang na taga South Poblacion, Marco Juan, bente anyos na taga North Poblacion, at Janette Garcia ng Dupinga, Gabaldon, mahirap magkasakit lalo na kung walang naitatabi o nakalaang pera para sa pagpapagamot dahil sa hirap ng buhay.

Si lola Candida na isa nang balo ay umaasa na lamang sa maiaabot ng kanyang apat na anak na wala ding maayos at regular na mapagkakakitaan, kaya naman nang sumpungin ito ng hika ay lumapit ito sa Gabaldon Medicare and Community Hospital upang humingi ng tulong para sa kanyang gamot.

Nang ma-ospital naman si Marco na panganay sa pitong magkakapatid ay sa Gabaldon Medicare din sila lumapit ng kanyang mga magulang upang maipagamot ito.

Aniya, pangunahing hanapbuhay ng kanyang mga magulang ang pangunguryente ng isda sa ilog na ibinebenta nila o minsan ay inuulam na ng kanilang pamilya.

Dahil sa sakitin naman ang isa sa walong anak ni Janette Garcia na tanging pinagkakakitaan ay ang paggapas ng kugon ay pabalik-balik sila sa naturang hospital upang makahingi ng tulong.

Sa ilalim ng socialized program for indigent patients ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali ay nalibre na ang kanilang mga bayarin sa hospital kabilang ang ilang gamot.

Ayon kay Dr. Christian Salazar, Chief ng GMCH, kung dati ay nasa 40-60 porsyento lamang ng gastos sa hospital ang nalilibre sa mga mahihirap at kapos palad na mga pasyente, ngayon ay ginawa na itong isang daang porsyento ni Gov. Oyie.

Dr. Christian Salazar, Chief ng Gabaldon Medicare and Community Hospital

Nagpasalamat naman ang mga socialized patient sa gobernador dahil sa pagkalinga at pagbibigay ng pansin sa mga katulad nilang kapos sa buhay at hiling ng mga ito na sana’y patuloy silang tulungan ng pamahalaan upang matugunan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan.

Tatlo lamang sina lola Candida, Marco at Janette na napagkalooban ng mga libreng serbisyo ng community hospital tulad ng dental, gamot, laboratory test at iba pang serbisyong medikal.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Gamot, laboratory test at iba pang libreng serbisyong medikal, hatid ng Socialized Program for Indigent Patients ng pamahalaang panlalawigan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *