Good Governance, susi umano upang wakasan ang pag-aaklas

Magkasabay na inilunsad sa Auditorium ng Gapan City Hall ang Joint Industrial Peace Concerns Office ng Nueva Ecija at Aurora noong February 27, 2020.

Alinsunod ito sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police sa Philippine Economic Zone Authority.

Nakiisa sa programa sina Vice Governor Anthony Umali, acting Governor Christian Noveras ng Aurora, Police Regional Office 3, mga pamahalaang lokal ng Nueva Ecija at Aurora, mga kawani ng Department of Trade and Industry at ng mga CEO at Human Resource Officers ng mga kompanya kagaya ng Nissan Cabanatuan City, Palayan City Business Hub at Costa Pacifica sa Aurora.

Isang dating pinuno ng CPP-NPA na itinago sa pangalang Ka Erick ang nagsiwalat kung paanong nagre-recruit ang kilusan mula sa mga sektor ng kabataan, mga manggagawa ng iba’t ibang industriya mga magsasaka, hanggang sa mga empleyado ng pamahalaan.

Mapipigilan aniya ang pag-aaklas kung masusupil ang korupsyon at kawalan ng hustisya na mga dahilan kaya madaling makahikayat ang makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Regional Director Police Brigadier General Rhoden O. Sermonia, hindi nilalabag ng JIPCO ang karapatang pantao sa pagbuo ng unyon at kalayaan sa pamamahayag kundi isa raw itong paraan upang tulungan ang mga manggagawa.

Good Governance umano ang susi para mawakasan ang paghihimagsik ng mamamayan na makakamit kung matitigil ang korupsyon, magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga tungkulin, magkaloob ng public at social services para sa lahat at pinaka importante ay ang pagbibigay ng katarungang panlipunan sa mga manggagawang Pilipino.

Apat na programa ang kanyang inilahad bilang suporta sa JIPCO, pangunahin ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) upang ilayo ang mga kabataan sa masamang bisyo at panghihikayat mula sa terorista.

Pagtatatag ng Global Police Community Relation (PCR) na makikinig at tutugon sa mga problema ng OFW, Kaligtasan at Kalikasan (kaligkasan) program upang protektahan ang kalikasan at siguruhin ang kaligtasan ng bawat isa, at ang TV program na Rektang Konek Aksyon Agad.

Sa mensahe ni Vice Governor Anthony Umali pinuri nito ang JIPCO at ibinahagi na sa ilalim ng panunungkulan nila ni Governor Aurelio Umali ay pinakikinggan at tinutugunan ng pamahalaang panlalawigan ang hinanaing ng  mga magsasaka na pinaka mahina at nangungunang sector sa Nueva Ecija na nahihikayat ng kilusan. Ulat nina Belle Ramirez at Clariza De Guzman

Watch – Good Governance, susi umano upang wakasan ang pag-aaklas


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *