Gov. Aurelio Umali, tinutukan ang pagpapabuti sa serbisyo ng mga District Hospitals sa lalawigan

Dalawang araw na pinulong ni Governor Aurelio Matias Umali ang mga hepe ng District Hospitals ng Nueva Ecija at inisa-isa ang kanilang mga suliranin na bibigyang solusyon ng Pamahalaang Panlalawigan upang mas mapabilis, maisaayos at mapataas ang kalidad ng serbisyong medikal sa mga mamamayan.

Isa sa tututukan ni Gov. Oyie ay ang masiguro na ang mga gamot na irereseta ng mga Doktor ay mabibili sa bawat Pharmacy ng mga District Hospitals, upang hindi na sa labas bumili ang mga pasyente.

Kabilang din sa tinalakay sa pagpupulong ang pagsasaayos ng mga Philhealth claims ng mga pasyente, kung saan sinabi ng Gobernador na isa sa sukatan ng performance ng bawat ospital ay ang pagpoproseso ng Philhealth.

Binigyang diin din ni Umali ang kahalagahan ng magandang ugnayan at pakikipagkapwa tao ng bawat namumuno, nangangasiwa at naninilbihan sa mga Hospital na pinatatakbo ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mas maayos at epektibong pagseserbisyo sa mga mamamayan.

Upang maiwasan din ang pagpapakalat ng mga negatibong komento na nagpapapangit sa imahe ng mga District Hospitals ay inobliga ng Gobernador ang mga Hepe na gamitin ang social media sa pamamagitan ng bubuuing Hospital Page kung saan nila ipopost ang mga aktibidad at serbisyo ng kanilang mga ospital.

Dadagdagan din nito ng ambulansya at driver ang mga District Hospitals upang sa panahon ng emergency ay mayroong available na magagamit at maghahatid sa mga pasyente patungo sa mas malalaking mga hospital kung kinakailangan.

Kasama din sa plano ng Ama ng Lalawigan na madagdagan ang mga medical equipment sa ELJ Memorial Hospital tulad ng Endoscopy, Colonoscopy, Laparoscopy at CT Scan na ginagamit sa mga executive check-up.

Matatandaan na noong 2015 sa panahon ng panunungkulan ni Gov. Oyie Umali ay napagkalooban ng labing-isang unit ng ambulansya ang probinsya mula sa PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office at nadagdagan pa ito sa panunungkulan naman ni Governor Czarina Umali.

Kasalukuyan ngayong tinatapos ang tatlong palapag na ELJ Memorial Hospital sa Barangay Daang Sarile, Cabanatuan City na may kakayahang tumanggap ng mas maraming pasyenteng nangangailangan ng atensyong medikal dahil mayroon itong 100-bed capacity.β€”Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *