Gov. Cherry, inilahad ang mga plano sa Nueva Ecija sa susunod na 3 taon

   Inilahad ni Governor Czarina Umali sa ginanap na Joint General Assembly Meeting ng PDC, PPOC, PHB PLSB, at PDRRMC ang plano ng kanyang administrasyon sa lalawigan ng Nueva Ecija para sa susunod na tatlong taon.

Si Governor Czarin “Cherry” Umali kasama si Chief of Office of the Provincial Agriculture Serafin Santos.
Si Governor Czarin “Cherry” Umali kasama si Chief of Office of the Provincial Agriculture Serafin Santos.

   Sentro ng pangmatagalang mithiin na iprinisenta ni Governor Cherry Umali ang pagsasaayos ng mga imprastraktura, pagtataguyod sa pagpapa-unlad ng agrikultura, serbisyo para sa mamamayan, at pagpapahusay ng pagpapanatali ng kapayaapaan at kaayusan sa mga komunidad.

   Nakasalalay umano sa binalangkas na plano ang lahat ng kanilang gagawin, ng mga kapwa lingkod bayan, sa panahon ng kanilang termino na makatutulong sa patuloy na pagsulong ng Nueva Ecija.

   Ayon kay Governor Cherry, sisimulan niya ang hangaring higit na mapaunlad ang lalawigan sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga magagandang programa at patakaran na ipinunla sa ilalim ng panunugkulan ng kanyang kabiyak, at sinundang pinuno na si Former Governor Aurelio Umali.

   Ininspeksyon ni Governor Cherry Umali ang Segum Creek sa Bagting, Gabaldon kasama sina Provincial Engineer Arthur Yap at Kapitan Edwin Lacandoza.
Ininspeksyon ni Governor Cherry Umali ang Segum Creek sa Bagting, Gabaldon kasama sina Provincial Engineer Arthur Yap at Kapitan Edwin Lacandoza.

  Bago inilahad ng gobernadora ang Annual Investment Plan for 2017 o taunang planong pangkaunlaran ng probinsiya, inihain muna nito sa kapulungan ang paggamit sa mga naipon at hindi nagamit na pondo ngayong taong 2016 na may kabuuang higit Php71.2-Million para sa mga proyektong nangangailangan ng kagyat na aksyon.

   Pangunahing pinaglaanan ng halagang Php40-Million mula sa DRRMC ang dredging o paghuhukay at desilting ng Segum Creek sa barangay Bagting, Gabaldon upang mabawasan at makontrol ang pagbaha epekto ng pagbabaw nito.

   Sumunod ang pagtatayo ng Nueva Ecija Treatment and Rehabilitation Center na gagastos ng kabuuang Php75-Million. Inaprubahan at pinagtibay ng PDRRMC at PPOC sa pag-iindorso ni Governor Umali, na simulan na ngayong taon ang konstruksyon ng phase 1 nito sa pamamagitan ng paggugol sa halagang Php31.3 -Million galing sa savings ng General Development Fund ng 2016.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *