Gov. Oyie Umali, hinikayat ang mga Punong Barangay ng Lupao na maglagay ng CCTV sa kanilang nasasakupan

Dumulog kay Governor Aurelio Umali ang mga Barangay Captains ng Bayan ng Lupao kamakailan para sa mga kahilingan ng kanilang barangay tulad ng mga upuan, karagdagang pondo para sa pagdiriwang ng kapistahan, at iba pa.

Dito ay inanunsiyo ni Gov. Oyie na lahat ng request sa Closed Circuit Television Ca­mera o CCTV ay otomatiko nitong aaprubahan at hinikayat nito ang iba pang barangay na gumawa ng request para dito.

Aniya, mahalaga ang CCTV upang mamonitor o mas mabantayan ng mga opisyal ng barangay lalo na ng kapitan ang kaligtasan ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan at agarang maaksyunan ang mga hindi inaasahang pangyayari sa kanilang lugar.

Sinabi ng gobernador na ang CCTV ay ikokonekta o may access sa cellphone ng kapitan upang kahit na nasa seminar ito ay nakikita pa rin nito ang mga pangyayari sa loob ng kanyang barangay.

Inaasahan nito sa loob ng tatlong taon ay malalagyan na ng CCTV ang buong lalawigan upang maproteksyunan ang bawat mamamayan at makamit ang kaayusan at katahimikan sa probinsya.

Sa ginanap na year-ender joint meeting ng Provincial Peace and Order Council, Disaster Risk Reduction and Management Council at Provincial Food Council ay iminungkahi ni Gov. Oyie na kabitan ng mga CCTV ang mga matataong lugar.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Gov. Oyie Umali, hinikayat ang mga Punong Barangay ng Lupao na maglagay ng CCTV sa kanilang nasasakupan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *