Gov. Oyie Umali, nais magkaroon ng programa para sa mga kabataang dumaranas ng depresyon

Inihayag ni Governor Aurelio Umali sa ika-labing siyam na episode ng Usapang Malasakit sa Lipunan noong Martes, January 14, 2020 ang kanyang pagnanais na magkaroon ng programa para sa mga kabataang dumaranas ng depresyon.

Ayon kay Gov. Oyie, marami sa mga lumalabas na balita ang matagumpay sa career, edukado at maganda ang buhay ngunit dumaranas pa rin ng depresyon, maging ang mga kabataang nalululong sa mga online games ay dumaranas nito at nauuwi minsan sa pagpapatiwakal, bagay na nakababahala.

Maging ang gobernador aniya ay dumaan din sa depresyon ngunit sa tulong ng pananalig at pananalangin sa Poong Maykapal ay nalagpasan nito ang naturang kondisyon.

Ani Governor Umali, dapat itong bigyang pansin at tugunan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng konkretong programa para sa mga kabataang nakararanas nito, paglalaan ng isang lugar kung saan nila madarama ang kaligtasan, kung saan nila malayang maipahahayag ang kanilang mga sarili upang maiparamdam sa kanila ang pagmamahal at pagpapahalaga nang matulungan silang malampasan ito.

Sinabi din ng gobernador na nais niyang simulan ang programa sa paglaban sa depresyon sa ELJ Memorial College kung saan maglalaan ng mga contact numbers at mga guidance counselors na maaaring kausapin o lapitan ng mga dumaranas nito.

Sa artikulong inilabas ng Philstar noong January 17, 2019, base sa official statement ng Department of Health, aabot umano sa 3.3 million na mga Pilipino ang dumaranas ng depressive order na may suicide rates na 2.5 sa kalalakihan at 1.7 sa kababaihan kada 100, 000 at nasa 800, 000 naman ang naiulat ng World Health Organization na nagpapapakamatay kada taon.

Ang depresyon ay isang mental illness na may mga sintomas tulad ng pagkukulong sa kuwarto, matamlay, anhedonia o walang pakiramdam, namimigay ng mga personal na gamit, at nagsasabing nawawalan na ng pag-asa.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *