Gov. Umali, ininspeksyon ang bagong gusali ng ELJ Memorial Hospital

Kasama ang mga inhinyero ng Provincial Engineering Office (PEO) ay ininspeksyon noong Lunes, November 4, 2019 ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ang tatlong palapag na bagong gusali ng ELJ Memorial Hospital na matatagpuan sa Brgy. Daan Sarile, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Layunin ng pag-iinspeksyon ng punong lalawigan na makita at masuri ang kalidad at kaayusan ng bawat palapag ng gusali.

Taong 2016 sa inisyatiba ni Gov. Umali ay pinlano ang naturang gusali at inumpisahang gawin noong October 2017 sa termino ni Governor Cherry Umali.

May kabuuan itong sukat na 2,796 square meters at umabot sa mahigit P120-M ang inilaang pondo para dito.

Sa pamamagitan ng bagong gusali ay mas dadami ang ma-a-accommodate na pasyente at mas mapapaigi pa ang serbisyo medikal para sa mga Novo Ecijano.

Hindi na rin kakailanganin pang ilikas ang mga pasyente sa tuwing may kalamidad dahil parking lot lang ang first floor nito at elevated na o naka-angat ang mga kwarto para sa mga pasyente.

Magkakaroon din dito ng mga bagong medical equipment at laboratory services na wala sa lumang gusali gaya ng CT Scan, Endoscopy, Colonoscopy at Laparoscopy.

Matapos ang inspeksyon ay pinulong din ng gobernador ang mga opisyal ng naturang ospital at mga inhinyero ng pamahalaang panlalawigan upang pag-usapan ang mga naging obserbasyon at mga dapat pang ayusin sa gusali. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *