Governor Aurelio Umali, nagbabala na iwasang magpakalat ng fake news tuwing may bagyo

Sa ikalabing limang episode ng programang Usapang Malasakit sa Lipunan ni Governor Aurelio Umali, kahapon, November 3, 2019 kasama sina Provincial Administrator Alejandro Abesamis, Philip “DobolP” Piccio at iba pang department heads ng kapitolyo, ay nagbigay ito ng babala sa mga taong nagpapakalat ng mga fake news tuwing mayroong bagyo upang makapanloko at magbigay ng kalituhan sa mga mamamayan.

Ayon kay Governor Umali, hindi tama ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa panahon ng kalamidad na maaaring magbigay ng kapahamakan sa mga Novo Ecijano kaya dapat na itong itigil dahil ang usaping ito ay seryosong bagay na hindi dapat ginagawang biro.

Inihayag din ng gobernador sa kanyang programa ang fake account sa social media site na facebook na ginagamit aniya ang kanyang pangalan at mga larawan upang makapanlinlang ng mga tao.

Ang babalang ito ay kaugnay ng pagdedeklara ng gobernador sa kanselasyon ng pasok kahapon sa lahat ng antas ng paaralan, pampubliko man o pampribado bunsod ng bagyong “Tisoy”.

Tuwing may bagyo, karaniwan na ang pagkakansela ng mga pasok ngunit giit ng punong panlalawigan ang pagdedesisyon dito ay dapat na nakabase sa mga protocol o batayan at hindi basta-basta lamang nagdedeklara nito.

Nilinaw din ni Umali na hindi lamang siya ang nagdedesisyon ng pagkakansela ng pasok kundi kasama dito ang mga rekomendasyon mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council na masusing pinag-aralan ang bawat galaw, lakas o hina, direksyon ng bagyo, ang maaaring maging impact o epekto nito sa lalawigan at ang mga aksyon na nararapat gawin.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *