Governor Umali, susulatan ang mga Mayor tungkol sa clearing operations

Bunsod ng mga reklamo ng mga mamamayan tungkol sa isinasagawang clearing operations alinsunod sa Memorandum Circular Number 121-2019 ng Department of Interior and Local Government ay susulatan ni Governor Aurelio Umali ang mga Mayor ng Nueva Ecija.

Sa ika-limang episode ng Usapang Malasakit sa Lipunan, inihayag ng gobernador na padadalhan nya ng Memo ang mga local chief executives upang makapagpaliwanag at para makatulong na maibalik ang mga nasirang private property ng mga mamamayan.

May karapatan aniya sa pribadong ari-arian ang isang indibiduwal at marapat itong igalang. Sinumang papasok sa iyong private property ay pwedeng pigilan.

May karapatan umanong manghingi ng bayad ang mga may-ari ng pribadong ari-arian na nasira dahil sa clearing operations.

Paliwanag ni Governor Oyie Umali na ang pagtatanggal lang ng mga nakakasagabal sa kalsada ang dapat na ginagawa ng mga local na pamahalaan at hindi road widening.

Dagdag ni Atty. Ricardo Atayde, hepe ng Provincial Legal Office, walang nakasaad sa MC 121-2019 ng DILG na kailangang gibain ang isang istruktura na nasa loob ng lupang pribadong pag-aari ng isang mamamayan kung ito ay nakasasagabal.

May pananagutan aniya ang isang opisyal o tanggapan ng pamahalaan kapag nanira ng isang gusali na napatunayang nakatayo sa private property.

Karapatan umano ng may-ari na manghingi ng danyos perhuwisyos at kung ayaw nitong magbayad ay pwede itong sampahan ng kaso sa korte.

Bukas naman aniya ang PLO sa mga nais na dumulog at humingi ng legal assistance.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *