Habambuhay na pagkakakulong, parusa para sa mga bank at credit card hackers

Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 6710 na nagdedeklera sa mga pagnanakaw ng impormasyon o detalye sa 50 o mahigit pang ATM o credit card at ang pagha-hack ng systems ng mga bangko bilang isang economic sabotage.

Naging unanimous ang boto ng mga kongresista sa nasabing panukala na ini-sponsor ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman at Eastern Samar Rep. Ben Evardone.

Pahayag nito, nakita ng mababang kapulungan ang pangangailangan ng mas malakas na batas laban sa mga kriminal na mapagsamantala sa publiko. Aniya, ang House Bill No. 6710 ay naglalayong maprotektahan ang mahigit 80 million ATM o credit card holders.

Nakasailalim sa nasabing panukala na ang paglalagay ng virus at pagha-hack sa mga computer system ng bangko na nagiging sanhi upang macorupt o manakaw ang datos ay nangangahulugang economic sabotage na isang non-bailable criminal offense at may karampatang parusa ng habambuhay na pagkakabilanggo at multang P1-M hanggang P5-M.

Ayon rin sa panukala, parehong kaparusahan din ang ipapataw para sa card skimming o data theft sa limampu o higit pang ATM card, credit card o online bank accounts.

Kaugnay nito, ang pagmamay-ari ng anumang device na ginagamit sa panghahack ng mga accounts, kahit wala pang nagaganap na aktwal na pagnanakaw ay may kaparusahang pagkakakulong sa loob ng anim hanggang labindalawang taon at multang mula P300,000 hanggang P500,000.

Samantala, ikinatuwa naman ng ilang mga may bank account o ATM holders ang nasabing panukala dahil matatakot na aniya ang mga hackers upang magnakaw ng pera. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *