Halos 100 Novo Ecijano, target ng pamahalaang panlalawigan na pagkalooban ng Micro-Layering program

Target ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali na gawing benepisyaryo ng Micro-Layering Program ang halos 100 Novo Ecijano sa darating na Nobyembre hanggang Disyembre ngayong taong 2020.

Ito ay matapos na magkaloob ang Department of Labor and Employment noong September 8, ng dalawang milyong piso bilang karagdagan sa pondo ng naturang programa na mahigit 1.8 milyong piso.

Tugon ito sa kahilingan ni Governor Umali sa DOLE na suportahan ang kapitolyo upang mas dumami pa ang mamamayan ng Nueva Ecija na makikinabang dito.

Ang Micro-Layering Program ay isang proyekto ng provincial government na nagbibigay sa mga nagangailangang Novo Ecijano ng alagang paitluging manok bilang alternatibong pagkakitaan lalo na ngayong may pandemya.

Ayon kay DOLE Provincial Director Maylene Evangelista na nagkakahalaga ng mahigit 38,000 pesos ang presyo nito kung saan kasama ang pagkain, gamot at kulungan ng mga manok.

Ang mga mamamayang walang trabaho, natanggal sa trabaho at walang pinagkakaabalahan dahil sa pagkakaroon ng COVID-19 ang nais na mabigyan ng pagkakataon na kumita sa pamamagitan ng nasabing proyekto kahit nasa tahanan lang sila.

Sa mga interesadong mapabilang sa programang paitluging manok ay magtungo lamang sa tanggapan ng Nueva Ecija PESO sa pamumuno ni Manager Ma. Luisa Pangilinan upang magabayan kayo sa kinakailangang proseso.

Tiniyak naman ni PESO-Manager Pangilinan na patuloy ang kanilang pagsisikap para matulungan na makapag hanap-buhay ang mga kalalawigan habang naka quarantine upang makaiwas na mahawa sa coronavirus. Ulat ni Belle Ramirez

https://www.youtube.com/watch?v=JeZGCAtRTwk&feature=youtu.be


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *