Halos 3,000 relief goods, ipinamigay ng Provincial Government sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong

Ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang halos tatlong libong relief goods sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Ompong.

Sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), mula kahapon, September 17, nasa 2,943 na piraso ang kabuuang bilang na kanilang naipamahagi sa iba’t-ibang bayan at lungsod ng probinsiya.

Mula araw ng sabado, kasagsagan ng bagyo ay nagpamudmod na sila ng 811 na relief goods sa evacuation centers sa mga bayan ng Bongabon, Laur, Gabaldon at Peñaranda.

Pagdating ng araw ng linggo, ay bumaba ang Provincial Government sa apat na barangay sa lungsod ng Cabanatuan na kinabibilangan ng brgy m.s. garcia, brgy vijandre (Lazaro Francisco Elementary School), brgy villa ofelia at brgy sangitan east na may kabuuang bilang na 732 relief packs at may kasama pang hygiene kits.

Araw ng lunes, kahapon, patuloy na namahagi ng 1,400 relief goods sa mga barangay ng aduas sur, aduas norte, barrera at matadero ng Cabanatuan City.

Ayon kay PSWDO Elvie Ronquillo, base na rin sa inisyatiba ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ay palagi silang handa upang tumulong sa mga nangangailangan lalong higit ngayong panahon ng kalamidad.

Ang mga relief ay mula sa PSWDO habang ang hygiene kits ay galing sa National Disaster Risk Reducation and Management Council (NDRRMC).

Pasasalamat naman ang naging tugon ng mga resideteng nabigyan ng tulong.

Sa pahayag ni Ronquillo, ang lahat ng mga humihingi ng tulong sa kapitolyo ay pagbibigyan at walang pipiliin.

Inaasahan na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Provincial Government sa mga nasalanta ng bagyo. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *