Halos 500 baril, nakumpiska ng NEPPO sa “Oplan Katok”

Iprinisinta ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa media ang 486 na iba’t-ibang kalibre ng baril kahapon, October 9, 2018.  

Ang mga nakumpiskang armas ay resulta ng “Oplan Katok” na ikinasa sa buong lalawigan mula September 1 hanggang October 8, 2018.

Batay sa tala ng NEPPO, 329 rito ay pistol, 67 ang shotgun, 35 ang revolver, 20 ang low powered rifle, 4 ang high powered rifle, 2 ang sub machine gun at 29 mula sa crime laboratory.

Ayon kay Provincial Director PSSupt Eliseo Tanding, patuloy sa pagkilos ang kapulisan upang masamsam ang mga baril na posibleng gamitin sa dahas lalo na ngayong paparating ang National and Local Election.

Karamihan sa mga nakumpiska ay pagmamay-ari ng mga pribadong indibidwal.

Kabilang na ang apat na baril na mula kay Father Richmond Nilo.

Target ng NEPPO na makakuha ng 21,273 na mga armas sa tatlumpu’t dalawang police stations sa lalawigan.

Sa “Oplan Katok”, binibisita at kinakatok  ng mga pulis ang mga tahanan na nagmamay-ari ng expired na lisensya ng baril. Hinihikayat sila na i-renew ang pasong lisensya at i-surrender ang mga hindi lisensyadong baril.

Nanawagan si Tanding na boluntaryong isuko na ang kanilang mga armas upang maiwasan na makumpiska ang mga ito at makasuhan ang mga may-ari ng Illegal Possession of Firearms.

Sa kasalukuyan, bukod sa mga armas ay mayroong 94 na naka-impound na motorsiklo sa compound ng NEPPO.

Ang mga motorsiklo ay hinuli dahil walang kaukulang dokumento at iba pang paglabag sa batas.

Ito ay kaugnay din ng Clean Riders Campaign ng PNP, layon na mapababa ang kriminalidad na kinasasangkutan ng mga motorista tulad ng gun for hire, robbery/holdup  at iba pa upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng bawat isa. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *