Halos limang daang atletang Novo Ecijano, handa ng sumabak sa darating na CLRAA 2019

Kasado na ang halos limang daang Novo Ecijanong atletang pambato sa nalalapit na Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) 2019 sa Pebrero a-tres na gaganapin sa Iba, Zambales.

Nag-alay ng misa ang Nueva Ecija School Division katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mga atleta sa ginanap na send-off ceremony kahapon January 31 sa Palayan City Convention Center bilang basbas sa mga atletang aalis at sasabak sa kumpetisyon.

Mensahe ni Reverend Father Orlan Valino, mahalaga aniyang “pakikipagkapwa-tao” at relasyon sa bawat isa ang mangibabaw at hindi pakikipagtunggali lamang. Bonus na lamang aniya ang makukuhang karangalan ng mga atleta.

Dinaluhan  ang seremonya ni School Division Superintendent Dr. Ronaldo Poson, Division Sports Officer, Assistant School Division Superintendent, Teachers, Coaches, Trainors at ni  Doc Anthony Umali.

Ayon kay Joel Cruz, Division Sports Officer,   handang handa na ang mga atletang pambato ng lalawigan dahil bukod sa  mga pagsasanay na kanilang ginagawa ay sinuportahan rin aniya ng  Pamahalaang Panlalawigan katulad ng pagkaloob ng kumpletong sports equipment, pagpapahiram ng 15 Air-conditioned busses bilang service,  at pagkain mula unang araw ng pag-eensayo hanggang sa pagtatapos ng laban sa Pebrero otso.

Dagdag pa nito, makakatanggap naman ng allowance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ang mga atleta, coaches, assistant coaches, trainors maging ang mga Chaperons, at may incentives din ang mga atleta kung sakaling maipanalo ang laban.

Nangako naman si Cruz na pagbubutihan ang paglalaro sa CLRAA 2019 at susubukan anilang maiangat ang stand ng medalya ng lalawigan sa buong Central Luzon.

Para naman kay Joel Sabado, Tournament Manager ng Sepak Takraw Region 3,  mahalagang ma-expose ang mga kabataan sa larangan ng pampalakasan at isports para madevelop ang kanilang self-confidence at maiwas sa masasamang bisyo.

Kabilang sina Jomel Salem at Arlene Ramirez na SPED Learners na maglalaro sa Throws at long Jump Competiton, anila napakalaking bagay na binibigyan silang pagkakataon na makapaglaro upang  mapatunayan na hindi hadlang ang kanilang kapansanan para gawin ang mga makabuluhang bagay at makamit ang kanilang pangarap sa buhay.

Ang larong paglalabanan ng mga kabataang atleta ay ang larong Arnis, Baseball, Basketball, Billiards, Volleyball,  Archery, Chess, Swimming, Sepak Takraw,  Athletic Olympics na lalahukan naman ng mga Special Learner o visually and hearing impaired na mga mag-aaral na mula naman sa Special Education o SPED.

Nakatakda naman bukas Ferbuary 1 ang araw ng pag-alis ng mga atleta patungong Zambales.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *