Hatol na guilty sa maglive-in partner na sina Sergio at Lacanilao, maaaring makatulong sa kaso ni Mary Jane Veloso

Naniniwala si Atty. Josalee Deinla ng National Union of People’s Lawyer na ang pagkakahatol ng ‘guilty’ sa maglive in partner na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao sa kasong Large Scale Illegal Recruitment ay pagpapatibay na si Mary Jane Veloso ay biktima lamang.

Aniya, bagamat hiwalay ang kaso ni Mary Jane sa Large Scale Illegal Recruitment na hinain nina Ana Marie Gonzales, Lorna Valino, at Jenalyn Paraiso kung saan nahatulan ng pangkahabangbuhay na pagkakakulong at pagmumulta ng dalawang milyong piso ang maglive-in partner noong Huwebes, January 30, sa Regional Trial Court Branch 88 sa Baloc, Sto. Domingo, ay maaari nitong mapatotohanan ang bersyon ng kwento ni MJ kung bakit ito nakarating ng Indonesia.

Nananatili aniyang hamon sa kanila na makuha ang deposisyon ni MJ sa Indonesia at maihain sa korte bilang kanyang testimonya para sa kasong Human Trafficking, Small Scale Illegal Recruitment at Estafa na inihain ng kanyang inang si Celia Veloso laban kian Sergio at Lacanilao.

Sinabi din ni Deinla na maaaring ikonsidera ng Indonesian Government ang testimonya ni MJ para sa posibleng paglaya ni MJ at makauwi na ng Pilipinas.

Sinabi naman ni Atty. Edre Olalia, President ng NUPL, nakatakda ang susunod na setting o pagdinig sa kasong inihain ni Veloso ay sa March 19 at umaasa sila na bago ang araw na iyon ay matuloy na ang pagbibigay ng testimonya ni Mary Jane sa Indonesia upang matapos na ang kaso at maipakita sa taumbayan na ang mga taong mapagsamantala ay may pananagutan sa batas.

Ikinatuwa naman ng ina ni Mary Jane na si Celia ang hatol kina Sergio at Lacanilao at umaaasa silang tuluyan nang makakasama ang kanyang anak ngayong taon na ito.

Nagpapasalamat din ito sa Malasakit Help Desk ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali sa patuloy na pagkilos upang tuluyang mapalaya si MJ.

Sa kabila naman ng hatol sa dalawa ay hindi pa rin naiaalis ang pangamba ni Cesar Veloso, ama ni MJ dahil nananatiling nasa death row ang anak ngunit nabuhayan naman ng pag-asa na mapababa nito ang sentensya sa anak na nakakulong sa Indonesia.

Si Mary Jane Veloso ay ordinaryong OFW na nangarap na maiangat sa kahirapan ang pamilya at maitaguyod ang dalawang anak kaya nakipagsapalaran sa ibang bansa, pinangakuan ng trabaho ng kanyang kababatang si Cristina Sergio sa bansang Indonesia at nagbigay umano ng maletang naglalaman ng 2.6 kilong heroin dahilan upang patawan ito ng parusang bitay ng Indonesian Government, taong 2010.

Unang nanawagan para sa kaligtasan ni Mary Jane ang Migrante at sinuportahan ng mga pilipinong naniniwalang inosente si MJ, ngayon maging ang mga kapwa OFW at kanilang pamilya sa ilalim ng Malasakit Help Desk ng pamahalaang panlalawigan ay kaisa na rin sa kampanya para sa tuluyang pag-aalis sa kanya sa death row at tuluyang pagpapalaya dito.

Taong 2015 nang ipagpaliban ang pagbitay kay MJ dahil sa matitinding panawagan ng taumbayan, sa tulong na rin ng Indonesian Migrant Care na personal na kumausap kay Indonesian President Joko Wydodo at pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa Indonesia para sa testimonya nito laban sa mga akusado.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *