Higanteng bungkos ng palay, pinailawan sa Christmas Capital ng Nueva Ecija

Eksaktong alas-otso ng gabi noong Sabado, November 10, 2018, nagliwanag ang buong kapaligiran ng San Jose City Social Circle na kamakailan ay pormal ng idineklarang “Christmas Capital ng Nueva Ecija”.

Tampok ngayong taon ang higanteng bungkos ng palay na sumisimbolo ng pangunahing kabuhayan ng mga San Josenio.
Ayon kay Mayor Kokoy Salvador, ang “Liwanag ng Pasko sa San Jose” ay nangangaluhugan ng pagtanaw sa hinahangad na maningning na kinabukasan ng mga mamamayan doon.

Bago simulan ang programa, ay binasbasan muna ang belen na pinangunahan ni Bishop Roberto Mallari, ng Diocese of San Jose kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Tampok din sa programa ang paggawad ng pagkilala sa lungsod bilang Christmas Capital ng Lalawigan na pinangunahan ng kinatawan ng Department of Tourism (DOT).
Dumalo rin sa pagtitipon si Doc Anthony Umali at Provincial Tourism Office.

Ang pagpapailaw ay sinaliwan ng mga munting tinig ng Voices Kids 2018 finalists na kinanta ang official christmas song ng lungsod na “Pasko sa bagong San Jose”.

Matatagpuan dito ang agaw pansin na higanteng Christmas Tree na may taas na 60 feet na gawa sa iba’t-ibang recycled materials.
Maging ang palengke at kalsada ay nagliwanag sa dami ng Christmas Lights.

Kaya naman ang mga manunuod, gamit ang kanilang mga camera at cellphone ay todo pose sa pagkuha ng litrato.

Kasabay ng pailaw ay magsisimula na rin ang iba’t-ibang aktibidad na inihanda ng City Government kabilang na ang Chorale Competition sa November 16, Lantern Parade sa November 24, Film Showing sa Public Market at marami pang iba. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *