High tech J and E Rice Mill, matatagpuan sa Bayan ng Cabiao

Ang pagsasaka ng palay ang pangunahing kabuhayan sa Lalawigan ng Nueva Ecija, kaya nga ito binansagang Rice Granary ng Pilipinas.

Kaugnay nito, ay patok din na kabuhayan ang mga negosyo na may kinalaman sa agrikultura.

Kagaya na lamang ng kiskisan ng palay o rice mill.
Sa Bayan ng Cabiao, matatagpuan ang high tech na rice mill sa buong probinsiya na J and E.

Sa pamamagitan ng mga naglalakihang makabagong makina na nagmula pa sa ibang bansa ay mas pinadali at mas pinamoderno ang paggigiling ng mga palay.

Halimbawa na lamang ang makina na tinatawag na Big Rice Mill, na may kakayahang magkiskis ng palay ng 120 tons a day o katumbas ng dalawang libong kaban kada isang araw.

Mula sa sako-sakong palay, ay hihigupin ang mga butil nito ng isang tubo, dadalin sa tinatawang na Stoner upang maihiwalay ang mga piraso ng bato sa mga butil ng palay. Sa Paddy Separator Machine naman, unti-unting binabalatan ang mga palay upang maging ganap na bigas.

Mayroong tatlong makina sa Whitener na maaaring pamilian ng mga customer, kung gaano karaming beses nila gugustuhing mapaputi ang kanilang bigas.

Habang ang Rice Grader Machine naman, ang naghihiwalay sa mga butil ng bigas na buo, kalahati ang buo, medyo durog at binlid.
Sa Water Polisher, dito na ginagawang makintab at maganda ang mga finished product na bigas.

At pagkatapos ng ilang minuto ay babagsak na ang bigas sa tubo sabay isisilid sa sako at tatahiin gamit pa rin ang modernong makina.

Ayon kay Christian Uvas, Marketing Personnel ng J and E Rice Mill, bukod sa mga miller na maramihan kung magpakiskis ng palay ay tinatanggap din nila ang mga maliliit na magsasaka na nagnanais na magpagiling ng kanilang mga inaning palay ng paisa-isa sa murang halaga dahil sa makina na Small Rice Mill.

Bukod sa mga rice mill, kaya rin ng J and E na magpatuyo ng mga basang palay, mais, soybean at iba pa sa pamamagitan ng Grain Dryer.

Ayon kay William Macatula, HR at Marketing Head, ng Rice Mill, ang J and E ay nagbukas noong September 8, 2018 na pagmamay-ari ng mag-asawang Jennefer at Erik Braanen na nagnanais na matulungan ang mga mamamayan ng Cabiao na magkaroon ng maayos na trabaho at dekalikidad na produkto sa mga Novo Ecijano.

Ang kanilang serbisyo sa Big Rice Mill ay nagkakahalaga lamang ng P45 kada kaban, P2 kada kilo naman sa Small Rice Mill at P1 kada kilo sa Dryer.

Ang J and E ay matatagpuan sa Brgy Sta. Ines, Cabiao, Nueva Ecija. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *