Higit 1,000 trabaho, inalok sa mga Novo Ecijano sa Mega Job Fair 2019

Nagsagawa ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ng mega job fair kahapon, December 11, 2019 sa SM City Cabanatuan bilang bahagi ng selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week ngayong taon.

Nasa mahigit isanlibong trabaho ang binuksan para sa mga Novo Ecijanong job seekers mula sa dalawampu’t apat na local employers at limang international employers.

Ayon kay Engr. Florencio Inandan, Chief of Operations ng PCUP – Luzon, layunin ng nasabing job fair na may temang “Wakasan ang Kahirapan, Maralitang Taga-Lungsod ay Tulungan”, na makapagbigay ng mas malaking oportunidad sa trabaho para sa mga mahihirap na Novo Ecijano.

Isa sa nagbaka-sakaling makakita ng trabaho si Joel Badiola na taga-Cabanatuan City, dahil sa kagustuhang makatulong sa pinansyal na pangangailangan sa pagpapagamot ng kanyang lola na may sakit.

Nagpasalamat naman si Ella Mae Balmonte na nanggaling pa sa Jaen, dahil sa pagkakataon na naipagkaloob sa kanya na makahanap ng disenteng trabaho.

Bukod sa mga job openings ay nakiisa rin sa Mega Job Fair 2019 ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa mas madaling pagkuha ng mga hinihinging requirements ng mga employers sakaling agad na matanggap ang aplikante.

Kabilang sa mga serbisyo ay ang membership registration ng PhilHealth, pagbibigay ng SS number at pre-screening sa UMID application ng Social Security System, aplikasyon para sa tax identification number ng Bureau of Internal Revenue, pagbibigay ng clearance galing sa PNP at NBI at marami pang iba.

Sa December 17, 2019 ay muling magsasagawa ang ahensiya ng job fair sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kung saan inaasahan na mas maraming Pilipino ang makikinabang sa mga trabahong iaalok ng mga kumpanyang ka-partner ng PCUP, gayundin ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno na handa ding magpaabot ng serbisyo sa mga mamamayan. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Higit 1,000 trabaho, inalok sa mga Novo Ecijano sa Mega Job Fair 2019


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *