Higit 200 miyembro ng NEPPO, PPSC, sumalang sa sorpresang drug testing

     Sumalang sa drug testing ang mahigit dalawandaang miyembro ng Philippine National Police sa lalawigan, 132 personnel mula sa Nueva Ecija Police Provincial Office, at  83 sa PPSC o Provincial Public Safety Company.

     Ayon kay Police Chief Inspector Marissa Areola, Forensic Chemical and Admin Officer of Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office, nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng random mandatory drug testing sa lahat ng mga tauhan ng PNP sa buong lalawigan sa atas ng nakatataas.

Sorpresa umano ang ginagawang mandatory drug testing ng SOCO sa hanay ng kapulisan sa Nueva Ecija.
Sorpresa umano ang ginagawang mandatory drug testing ng SOCO sa hanay ng kapulisan sa Nueva Ecija.

     UDT o Urine drug testing ang paraang ginagamit ng NEPCLO upang suriin kung positibo, o negatibo ba ang isang tao sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa pamamagitan ng urine sample o ihi, nakikita ang presensiya ng illegal na droga at ibang pang gamot na ginagamit ng isang tao.

     May dalawang klase ng UDT, una ang screen test, kung saan nalalaman kung umaabuso ba sa paggamit ng droga ang isang tao; ikalawa ang comfirmatory test, na ginagamit kung kinakailangang matukoy ang partikular na drogang ginagamit ng isang tao.

Binabantayan sa comfort room ng mga tauhan ng Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office ang mga pulis habang kumukuha ng kanilang urine sample.
Binabantayan sa comfort room ng mga tauhan ng Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office ang mga pulis habang kumukuha ng kanilang urine sample.

     Bago pa man maupo sa pwesto si Presidente Rodrigo Duterte, sinabi na nito ang pagpapatupad ng mandatory drug testing para linisin ang hanay ng kapulisan. Inihayag din ng Pangulo na gusto niyang mas advance na method ang gamitin partikular ang ginagamit sa bansang Japan dahil nagdududa ito sa accuracy o pagiging tumpak ng resulta sa urine test, dahil nakakapagtago aniya ang mga taong susuriin.

     Dahil sorpresa ang pagkuha ng sample ng ihi, ginagarantiya ng NEPCLO na accurate at reliable o mahusay ang magiging resulta ng drug test, dagdag pa na binabantayan ng kanilang tauhan ang mga pulis pagpasok nito sa comfort room.

     Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay SP04 Juan Quinit Jr., sinabi nito na walang siyang dapat na itago, at sinusportahan niya ang ginagawang paglilinis ni President Duterte sa PNP kaya naman pinangunahan niya ang pagbibigay ng urine sample sa ginawang drug testing sa NEPPO.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *