Higit 300 aplikante, dumagsa sa Job Fair 2019 na handog ng pamahalaang panlalawigan

Sinamantala ng mahigit sa tatlong daang job seekers ang Job Fair 2019 na handog ng pamahalaang panalalawigan bilang bahagi ng ika-86 taong anibersaryo ng Department of Labor and Employment o DOLE na ginanap noong Huwebes, November 21, 2019 sa New Capitol, Palayan City.

Ayon kay Provincial Public Employment Service Office o PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, nasa 20 local agency/company at 15 international agencies ang nag-alok ng iba’t ibang mga trabaho para sa mga mamamayan.

Layunin aniya ng nasabing programa na matulungan ang mga Novo Ecijano na makahanap ng trabaho lokal man o sa ibayong dagat para makatulong sa kani-kanilang pamilya.

Isa sa mga pinakamaagang nagtungo sa job fair si Marisol Alvarez na taga-Cabanatuan City, na nagbabaka-sakaling makapagtrabaho muli matapos niyang mahinto ng ilang buwan.

Ayon kay Mirasol, nais niyang matulungan ang kanyang ama na mag-isang nagtatrabaho para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Para sa mas magandang kinabukasan at makatulong sa pamilya naman ang dahilan ni Jona Mae Padua, 25 taong gulang na dumayo pa sa Palayan City galing ng Aurora Province para mag-apply bilang factory worker sa Taiwan.

Aniya mas madali kasing maka-ipon ng pera kung sa ibang bansa magtatrabaho na gagamitin niya sa pagtatayo ng maliit na negosyo.

Ang mga trabaho naman na hindi napunuan sa job fair ay pwede pang aplayan sa PESO ng bawat local government unit sa kanilang lugar o di kaya ay magtungo sa Provincial PESO na matatagpuan sa lumang kapitolyo dito sa Cabanatuan City.

Bago naman simulan ang job fair ay nagkaroon ng Ceremonial Memorandum of Agreement o MOA Signing ang mga alkalde ng 22 bayan at lungsod sa Nueva Ecija,  si Vice Governor Anthony Umali bilang kinatawan ng pamahalaang panlalawigan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang PESO, DOLE, POEA, OWWA, TESDA at DTI.

Layunin ng kasunduan na gawing Illegal Recruitment-Free ang Nueva Ecija  sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon sa mga Novo Ecijano tungkol sa mga naaangkop na batas at mga bagay na hindi dapat gawin para makaiwas sa illegal recrutiment gayundin ang mga modus operandi ng illegal recruiters.

Sa mensahe ng bise gobernador, sinabi nito na ang pagpirma sa naturang kasunduan ay napakahalaga dahil ito ang nagbibigay ng kapanatagan sa mga Novo Ecijano para sa paghahanap ng maayos at ligtas na trabaho sa ibang bansa.

Siniguro din niya na ang kasunduang ito ay hindi lang basta kasulatan na kanilang pinirmahan kundi isasakatuparan nila para sa ikauunlad ng mga Novo Ecijano at ng Nueva Ecija. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Higit 300 aplikante, dumagsa sa Job Fair 2019 na handog ng pamahalaang panlalawigan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *