Higit 400 magsasaka, nakatanggap ng soil ameliorants mula sa OPA

Tumanggap ng mga soil ameliorants ang 486 na mga magsasakang Novo Ecijano mula sa Office of the Provincial Agriculturist, kahapon, June 23, 2020.

Sa panayam kay Provincial Agriculturist Bernardo Valdez ay sinabi nitong sa tagal ng panahon sa pagbubungkal ng lupa ay maraming sustansya ang nawawala na dahilan ng pagbaba ng ani sa bukid.

Aniya, ang mga ipinamahaging soil micro nutrients na ito ay makatutulong para sa paglaki ng ani at kita ng mga magsasaka, at matutulungang mapanumbalik ang ganda at taba ng lupa.

Kabilang sa mga soil improver na ito ang BioZome na may iba’t ibang micro nutrients at kumpletong soil conditioner para sa mga gulay, mais at palay.

Masusuri naman kung maasim na ang lupa sa pamamagitan ng paggamit ng Verno at maibabalik nito ang dating sigla ng lupa, habang ang Amo na isang foliar fertilizer ay makatutulong upang mas maparami ang ani ng mga magsasaka.

Patuloy naman ani Valdez ang pamahalaang panlalawigan sa pagsusumikap na makapagbaba ng tulong sa mga magsasakang Novo Ecijano kaya hiniling nito ang walang sawang pagsuporta ng mga ito sa bawat programang inilulunsad ng kapitolyo.

Sa kanyang mensahe ay sinabi naman ni Governor Oyie na ang lupa ay parang mga tao din na kinakailangang alagaan at pagmalasakitan dahil ito ay maaaring ipamana sa mga anak upang patuloy na makapagbigay ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Pilipino.

Ayon sa gobernador, sa gitna ng pandemya kung saan ipinagbawal ang paglabas at nang magsara ang tarangkahan ng mga bansang pinag-aangkatan ng mga bigas ay napatunayan ang kahalagahan ng mga magsasakang Pilipino na nagsalba sa bansa. – Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Higit 400 magsasaka, nakatanggap ng soil ameliorants mula sa OPA


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *