Higit 4,200 gigatons ng yelo, nalusaw sa Greenland; hindi na umano maibabalik

Simula taong 1985 ay 4,200 gigatons na ang kabuuang bigat ng nawalang yelo sa Greenland, Denmark dahil sa lumalalang global warming o ang pagtaas ng temperatura ng mundo.

Ito ay base sa isinasagawang satellite surveys ng National Aeronautics and Space Administration o NASA na Operation IceBridge na siyang nagbabahagi ng detalye ukol sa estado ng mga lugar na napapalibutan ng yelo.

Ayon naman sa Communications Earth and Environment Journal ng Ohio State University ng United States of America na inilabas noong August 13, ang Greenland ay lumagpas na umano sa ‘tipping point’ o ang sukatan na nagsasabing hindi na kayang palitan ng snow ang mga nalusaw na yelo.

Kaugnay nito, isang climatologist mula sa Denmark Meteorological Institute na si Ruth Mottram naman ang nagpahayag na kahit bumaba ang temperatura ay hindi na nito mapipigilan ang patuloy na pagkaubos ng yelo.

Mabilis aniya ang pagkawasak ng mga yelo sa Greenland na itinuturong may pinakamalaking kontribusyon sa pagtaas ng sea levels sa buong mundo.

Nakumpirma naman ito sa isinagawang pag-aaral ng University of Lincoln sa bansang Britain na nagsasabing ang pagkawala ng yelo sa Greenland ay makapagdaragdag ng 10 hanggang 12 sentimentro sa pagtaas ng level ng tubig sa mga karagatan sa taong 2100.

Sa documentary film na ‘An Inconvenient Truth’ noong 2006 ni dating US Vice President Al Gore inihayag na ang pagbabago ng klima ang dahilan ng pagkalusaw ng yelo na sanhi ng pagtaas ng sea levels na magpapalubog ng buong mundo sa tubig. – ulat ni El dela Cruz

https://youtu.be/thpH8d173RY


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *