Higit 6,000 estudyante sa Lungsod ng San Jose, tinuruan ng CPR

Sakit sa puso ang numero unong sanhi ng pagkamatay hindi lang ditto sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo kaya naman nagsagawa ng libreng hands-only CPR o Cardiopulmonary Resuscitation Training para sa mga estudyante mula sa mga pampublikong paaralan ng Lungsod ng San Jose ang Philippine Heart Association (PHA) kahapon, October 2, 2019 sa San Jose City National High School na tinawag na CPR on Wheels and Wings.

Ang CPR ay isang emergency procedure na ibinibigay sa mga taong nawalan ng malay dahil sa pagtigil ng tamang daloy ng dugo sa puso at oxygen sa baga, gaya ng mga taong inatake sa puso o nalunod.

(Ipinapakita ng isang miyembro ng Philippine Heart Association (PHA) sa mga estudyante kung paano ang tamang pagsasagawa ng hands-only CPR)

Ayon kay Dr. Francis Lavapie, chairman ng Council of Cardiopulmonary Resuscitation ng PHA ang naturang aktibidad ay isa sa mas CPR campaign ng PHA at bilang selebrasyon ng World Heart Day na ginanap noong Linggo, September 29, 2019.

Bahagi rin aniya ito ng kampanya na CPR-Ready Philippines na target nilang maabot sa taong 2021.

Base sa training ng PHA, tatlong letrang “C” ang dapat tandaan at gawin kapag nakakita ng na-cardiac arrest o nalunod:

  1. Check the scene and responsiveness of the victim. Siguraduhing ligtas at patag ang lugar na pagsasagawaan ng CPR at kung may malay at humihinga ba ang biktima.
  2. Call for help. Tumawag sa emergency hotline sa inyong lugar para sa agarang pagdating ng tulong.
  3. Compress or perform hands-only CPR. Hanapin ang gitnang bahagi ng dibdib at saka bigyan ng 100 compressions o pagtulak sa dibdib kada isang minute.

Kapag magsasagawa ng CPR, dapat ay nakaposisyon ng paluhod at huwag baluktutin ang dalawang braso habang nagbibigay ng compressions.

Dagdag pa ni Dr. Lavapie, nagsimula ang kampanya nila noong 2016 na ginagawa nila taun-taon at mahigit 500,000 lay people o non-medical personnel na ang naturuan nila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Katuwang ng PHA sa programang ito ang Department of Health (DOH), Philippine Red Cross, Department of Education (DepEd), Department of Tourism (DOT), American Heart Association at United Kabalikat Civicom.

Payo naman ni Dr. Jeffrey Patawaran, presidente ng PHA – Central Luzon Chapter, para maiwasan ang mga sakit sa puso, tandaan lamang ang 52100 o 5 servings of fruits and vegetables per day, 2 hours of gadget and screen time, 1 hour of physical activities or exercise, 0 smoking at 0 sugary beverages. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *