Higit 90 bags ng dugo, nalikom sa “Dugo Mo, Buhay Ko” ng Municipal Health Office ng Bayan ng Guimba

Ito na ang ikatlong pagkakataon na isinagawa ang bloodletting program na “Dugo Mo, Buhay Ko” sa Bayan ng Guimba sa pangunguna ng Municipal Health Office sa pakikiisa ng Lokal na Pamahalaan at sa pakikipagtulungan ng PJG Memorial Research and Medical Center na naglalayong madugtungan ang buhay ng mga kababayan nating nangangailangan ng dugo.

Dinaluhan ito ng mga kasundaluhan mula sa 69th Infantry Battalion, miyembro ng kapulisan, mga bombero, mga BHW o Barangay Health Workers, magsasaka at iba pang mga sibilyan.

Ayon kay Ronald Tomas, Medical Technologies ng Rural Health Unit II, mahalagang masiguro na may sapat na pagkukuhanan ng dugo ang ating mga kababayan sa oras ng pangangailangan kaya naman bilang paghahanda ay nararapat na magsagawa ng ganitong uri ng mga aktibidad.

Sinabi ni Tomas na sinimulan nila ang ganitong aktibidad noong nakaraang taon kung saan dalawang beses itong matagumpay na naisagawa at ngayong taon ay tinatarget nilang malampasan ang bilang ng mga dugong nalikom mula doon.

Nasa siyamnapu’t pitong bags ang matagumpay na naipon sa katatapos na bloodletting na dadaan pa sa screening upang masigurong negatibo ito sa HIV o Human Immunodeficiency Virus, Hepatitis B at C at iba pang nakahahawang sakit.

Dagdag ni Tomas, ang mga bags ng dugo na kanilang nalikom ay dadalhin sa Blood Bank sa PJG Hospital at sakaling may mangailangang kababayan sa Guimba ay maaari silang makakuha ng libre sa pamamagitan ng referral mula sa kanila.

Ilan lamang sina Senior Fire Officer II Andrew Calosa ng BFP-Guimba, BHW na si Celina Relativo at magsasakang si Tatay Ferdinand Alonzo sa mga boluntaryong nagpakuha ng dugo upang makatulong hindi man sa pinansyal na pangangailangan ng mga kababayan kundi sa pag-aalay ng sariling dugo.

Panawagan ni Tomas sa mga kababayan na maging bayani sa simpleng pamamaraan katulad ng pagdodonate ng dugo para sa mga nangangailangan at makapagsalba ng mga buhay.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *