Higit P19-B Annual Investment Program, aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan

Aprubado na sa ika-24 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang mahigit P19-B Annual Investment Program ng Nueva Ecija.

Sa kahilingan ni Governor Czarina Umali, inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ang Annual Investment Program ng probinsya na nagkakahalaga ng P19,081,949,000 gayundin ang Resolution no. 9 – 2, Series of 2018 na naglalaman ng Local Development Investment Program mula 2017 hanggang 2018.

Una rito, ipinaliwanag ni Engr. Dennis Agtay, hepe ng Provincial Planning and Development Office sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kung saan gugugulin ang inilaang budget para sa susunod na taon.

Mahigit P1.3 billion ang gagamitin para sa General Public Services ng Pamahalaang Panlalawigan, kabilang ang mga gastusin ng mga departamento at opisina ng kapitolyo.

May kabuuang 1,047,475,000 pesos naman ang inilaan para sa Social Services kung saan nakapaloob ang mga proyektong pangkalusugan, pagpapatakbo ng mga district hospitals, pondo para sa mga institusyon gaya ng PMTC at ELJMC at pabahay.

Pinakamalaking bahagi ng 2019 AIP na nagkakahalaga ng higit 16.5 billion pesos ay mapupunta sa economic services, gaya ng pagpapagawa ng mga imprastraktura at ang LGSF o Local Government Support Fund.

Kasama rin sa pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang inaprubahang pondo ng Peace and Order Program na higit 94 million pesos at budget para sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Plan na nagkakahalaga ng higit 158 million pesos o limang porsyento ng kabuuang pondo ng 2019 AIP.

Nilinaw ni Engr. Dennis Agtay na hindi naman obligadong mapondohan ngayong taon ang lahat ng mga nakaplanong programa at proyekto, mahalaga lang aniya na matukoy at mapili kung alin sa mga ito ang dapat na bigyang prayoridad o unahin. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *