Higit Php 177-Million calamity fund, ilalaan sa mga proyekto para sa paghahanda sa tag-ulan

Inaprubahan sa unang pagbasa sa ika-siyam na regular na sesyon ng sangguniang panlalawigan ang panukalang paglalaan ng pondo para sa gagawing pagsasaayos ng mga ilog at kanal sa limang lugar sa lalawigan ng Nueva Ecija bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

Hiniling ni Governor Aurelio Umali sa sanggunian na gamitin sa mga proyekto ang mahigit one hundred seventy seven million pesos na manggagaling sa calamity fund ng probinsya na hindi nagastos noong mga nagdaang taon.

Maglalaan ng tig fourty million pesos para sa rehabilitasyon ng ilog ng Brgy. Caridad Sur at A Bonifacio ng Llanera, Brgy. Rang-Ayan ng Science City of Munoz at Brgy. Concepcion ng Cabiao.

Nagkakahalaga ng mahigit five hundred million pesos ang ilalagay naman para sa pagsasaayos ng Floodwater Drainage Ground Water Recharge System ng ELJ Memorial Hospital ng Cabanatuan City at mahigit eleven million pesos para sa San Antonio District Hospital.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, magandang proyekto na gamitin ang mga pondo upang magpagawa at ipaayos ang daluyan ng tubig upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Novo Ecijano.

Kasunod nito, pinagtibay ng sangguniang panlalawigan ang Executive Committee Resolution No. 02-2, Series of 2020 o ang Resolution Approving the CY 2020 Supplemental Annual Investment Program (AIP) and Local Development Investment Program (LDIP) ng Provincial Development Council.

Nakapaloob rito ang mga proyektong pang imprastraktura, kabilang ang pagtatayo ng convention o event center sa 4th District ng Nueva Ecija na nagkakahalaga ng mahigit isang daang milyong piso.

Ayon kay Budget Officer Randolph C. Alingig ay sapat ang pondong mahigit two hundred fifty nine million pesos para maisakatuparan ang mga proyekto sa nasabing resolusyon.

Paliwanag ni Engr. Dennis C. Agtay ng Provincial Planning and Development Office na ilan sa pagmumulan ng pondo ay ang hindi nagamit na calamity fund at development fund noong 2016 hanggang 2019. Ulat nina Belle Ramirez at Clariza De Guzman

Watch – Higit Php 177-Million calamity fund, ilalaan sa mga proyekto para sa paghahanda sa tag-ulan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *