IBA’T IBANG RELIHIYON, NAGKAISA SA PANALANGIN PARA ILIGTAS SI MARY JANE

Nagtipun-tipon kahapon ang iba’t ibang mga progresibong grupo at mga lider ng simbahan sa itinatag na Save Mary Jane Action Network Center sa Cabanatuan City at nag-alay ng kanilang panalangin bilang suporta para sa kampanya na isalba ang buhay ni Mary Jane Veloso.

Ilang oras na lamang ang bibilangin bago ang itinakda ng Indonesian government na pagbitay kay Mary Jane ngunit hindi pa rin tumitigil ang pamilya Veloso at kanilang mga supporters sa pag-asang pakikinggan pa ang kanilang apela na huwag ng ituloy ang parusang kamatayan kay Mary Jane at pag-aralang muli ang kanyang kaso.

Base sa datos ng National Democratic Front, isa lamang si Mary Jane sa isandaan at apatnapong Overseas Filipino Workers na nakahanay ngayon sa death row na mga itinuturing na biktima ng sirkumstansya bunga ng kahirapan sa Pilipinas.

Malaking palatandaan umano ng kahirapan sa ating bansa ang patuloy na pagdami ng OFW dulot ng kawalan ng sariling lupa, kawalan ng trabaho, at mababang pasahod.

Samantala kulang naman ang ating pamahalaan sa komprehensibong plano para tugunan ang mga ugat ng kahirapan kaya napipilitang mangibang bayan ang karamihan sa ating mga kababayan upang magkaroon ng mas magandang buhay.

Hanggang sa matapos ang seventy-two hours na ibinigay ng gobyerno ng Indonesia ay magpapatuloy ang mga panawagan at pagkilos sa Save Mary Jane Action Network Center.

Hinihikayat ang mga kababayang Novo Ecijano na makiisa at tumulong upang maisalba pa ang buhay ni Mary Jane. – Ulat ni Clariza De Guzman

 

[youtube=http://youtu.be/9rcw6TRgcU4]


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *