Ika-117 Police Anniversary, Ipinagdiwang Ng Neppo; Tv48, pinarangalan

Sa pagdiriwang ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) sa Ika-117 Anibersaryo ng Pambansang Pulisya ay binigyang pagkilala ang mga opisyal na pulis, units, mayors at iba’t-ibang sektor na nagbigay ng malaking kontribusyon sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng katahimikan sa lalawigan ngayong 2018.

Ginawaran ng parangal sa hanay ng pulisya ang labing anim na opisyal na kinabilangan nina PSupt Palmer Tria, Best Senior Police Commissioned Officer for Administration; SPO1 Cristina Duldulao ng Peñaranda Police Station, Administrative PNCO of the year; SPO1 Allan Llobia ng General Tinio, Best Intelligence PNCO at marami pang iba.

Napili bilang Best City Police Station of the Year ang Cabanatuan City, habang Best Municipal Police Station of the Year ang mga bayan ng Talavera, San Leonardo at General Tinio kasabay ang labing walo pang units na binigyan ng iba’t-ibang parangal.

Binigyan ng pagkilala ang Local Chief Executives ng dalawampu’t pitong bayan at limang siyudad sa probinsiya na katuwang ng pulisya sa mga programa upang masugpo ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa buong probinsiya.

Isa naman sa pinagkalooban ng Special Award si Atty. Aurelio Umali, kasama ang iba pang indibidwal mula sa mga barangay, Non-Governmental Organizations (NGOs), religious sector, judiciary, prosecution at NSU’s.

Habang sa media sector ang himpilan ng TV48 ang ginawaran ng pagkilala bilang ka-partner ng NEPPO sa pagbabalita at pagbibigay ng impormasyon sa mga Novo Ecijano.

Ayon kay Acting Provincial Director PSSupt Leon Victor Rosete, ang hamon sa paggampan ng kanilang tungkulin na mapanatili ang kapayapaan at katahimikan sa lalawigan ay hindi mapagtatagumpayan kung wala ang iba’t-ibang sektor na kaagapay sa pagsasakatuparan ng mga programa ng PNP.

Pinuri naman ni League of Municipalities of the Philippines’ (LMP’s) Nueva Ecija Chapter President at Peñaranda Mayor Ferdinand “Blueboy” Abesamis ang ganitong gawain ng PNP.

Aniya, plano ng LMP at NEPPO na magkatuwang na bumuo ng isang programa upang tuluyang mapuksa ang krimen sa lalawigan. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakabit ng CCTV sa bawat bayan at lungsod na PNP ang mag-momonitor.

Ang pagdiriwang ay nilakipan ng temang “Pagbabago sa Hanay ng Pulisya Hatid ay Ligtas na Pamayanan Laban sa Korupsyon, Krimen at Iligal na Droga”.–Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *