Ika-21 Malasakit Center, binuksan sa Nueva Ecija

Sa Ika-21 ng Enero, 2019 ay pormal na rin inilunsad ang Ika-21 Malasakit Center sa ELJ Hospital, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ito ay pinangunahan ni Dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence “Bong” Go na mainit na tinanggap ng mga Novo Ecijano.

Ayon kay Go, sa pamamagitan ng one-stop shop ng Malasakit Center na kinabibilangan ng Department Of Health (DOH), PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD)  at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay magiging kumbinyente na para sa mga nangangailangan ang pagkuha ng tulong medikal at pinansiyal mula sa gobyerno hanggang ang bill ng mga pasyente ay maging zero balance.

Kasama ni Go sa pag-unveil ng Malasakit Center Marker ang mga nagtaguyod din ng programang Malasakit sa lalawigan na sina Gov. Czarina “Cherry” Umali, Former Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Doc Anthony Umali.

Bibigyang prayoridad ang mga Senior Citizens at Persons With Disabilities (PWD) sa pamamagitan ng paglalaan ng priority lane.

Nilinaw din ni Go na ang center ay bukas para sa lahat ng Pilipino na paglalaanan ng pondong limang milyong piso kada buwan.

Matapos ang pagpapasinaya ay dumiretso si Go sa NEPPO Headquarters upang makipag boodle fight kasama ang mga Tricycle Drivers ng probinsiya.

Agaran ding tumulak sa Provincial Anti-Drug Summit na ginanap sa OLFU Gym.

Ito ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal, mga kabataan, bumubuo ng Team Save Cabanatuan at TV personality na si Philip “Dobol P” Piccio.

Hinimok ni Go ang mga opisyal na patuloy na suportahan ang kampanya laban sa droga, kriminalidad at korapsyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa bisa ng isang resolusyon na inisyu ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay opisyal na idineklara si Go bilang “Adopted Son of Nueva Ecija”.

Samantala, kasama ni Go ang viral taxi driver mula sa Davao City na binasagang “DU32” dahil sa husay ng kaniyang paggaya sa boses ni Pangulong Duterte. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *