Ika-limang Uhay Festival ng Science City of Muñoz, sinimulan na sa pamamagitan ng Christmas Lighting

Nagliwanag ang buong munisipyo ng Science City of Muñoz dahil sa makukulay na mga disenyo na naglalarawan ng mga pangunahing produkto ng lungsod.

Tampok sa pailaw ang mga hugis ng butil ng palay, sarimanok, tilapia, gatas ng kalabaw at magsasaka na sumisimbolo ng karangyaan sa kultura at sining ng siyudad.

Ayon kay Mayor Nestor Alvarez, ang tema ngayong taon ay iniaalay nila sa mga manggagawang bukid na patuloy na nagbibigay ng sapat at masustansiyang pagkain.

Hangad din aniya lokal na pamahalaan na ang Lungsod Agham ng Muñoz ang maging sentro ng pagsasaka sa lalawigan.

Bago simulan ang pailaw ay namangha muna ang humigit kumulang isang libong manunuod sa naglalagablab na performance ng fire dancers.

Matapos ito ay sabay-sabay ng nag-count down ang mga tiga-muñoz na sinabayan pa ng dalawang minutong fireworks display.

Hindi na ito pinalagpas pa at kaliwa’t kanang selfie at groufie na ang bawat isa.

Ang pailaw ay hudyat ng pagsisimula ng Ika-limang taon ng Uhay Festival na taunang ipinagdiriwang tuwing December 9 bilang pagkakatatag ng lungsod.

Malugod na inaanyayahan ng Punong Lungsod ang mga muñozonians at kalapit bayan na patuloy na makiisa at suportahan ang iba pang mga aktibidad na inihanda ng City Government mula November 19 hanggang January 20, 2019. –Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/U1e6zYag3E8


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *