Ikalawang Loan Restructing Program ng SSS, samantalahin na

Tinatawagan na ang mga miyembro ng Social Security System o SSS na mayroong nakabimbing pagkakautang sa ahensiya na magsumite ng kanilang aplikasyon sa muling pagbubukas ng Loan Restructuring Program (LRP) na may penalty condonation.
Ayon kay Maureeen Inocencio – SSS Senior Communication Analyst ng Central Luzon, ang muling paglulunsad ng LRP ay bunga ng pakiusap ng mga miyembro kay Pangulong Rodrigo Duterte upang malinis ang kanilang pagkakautang sa ahensiya na walang penalty.

Aniya, isa rin itong paraan upang manumbalik ang magandang credit standing o record sa pag-utang ng miyembro ng SSS.
Sa ilalim ng LRP, tinatanggal ang penalty o multa sa di nabayarang utang at tanging annual interest o taunang interes at principal loan ang kailangang bayaran ng miyembro.

Ang lahat ng miyembrong may short-term member loans ay maaaring mag-apply tulad ng calamity, salary, emergency at educational loans.

Katulad na lamang ni Jessie Rillera, na mula nang mag resign sa kaniyang trabaho noong 2010 ay nahinto na ang pagbabayad sa kaniyang salary loan sa SSS.

Mula sa P20,000 na pagkakautang, may naiwan siyang mahigit P8,600 na principal amount, na umabot sa P6,700 na interest at P10,000 na halaga ng penalty.

Ngunit dahil sa LRP, makakatipid na siya ng P10,000.
Puwedeng magbayad nang buo kung kakayanin o gawing buwanan ang bayad basta hindi lalagpas ng hanggang limang taon.

Ito na ang ikalawang LRP, noong nakaraang taon ay umabot sa 800,000 members ang nakapag-avail nito. Kung saan, nakalikom ang ahensiya ng mahigit P5 Bilyon na kabuuang principal at interest.

Ngayong taon ay inaasahan na mahigit 250,000 na miyembro ang makikinabang sa programa at makasisingil ng P1.2 bilyon na idaragdag sa pondo ng ahensya.

Ang lrp ay nagsimula noong April 2 at magtatapos ng October 1, 2018. Para sa iba pang impormasyon ay magtungo lamang sa pinakamalapit na opisina ng SSS sa probinsiya. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *