ILANG ESTUDYANTE SA CABANATUAN CITY, HINDI PA RIN MAKABALIK SA ESKWELA DAHIL SA TRAUMA MATAPOS ANG PANANALASA NI BAGYONG LANDO

    Balik-eskwela na ang ilan sa mga estudyante sa buong lalawigan ngayong linggo matapos ang semestral break.

    Ngunit sa Sumacab Elementary School, Cabanatuan City, halos dalawampung porsyento (20%) pa lamang ng bilang ng mga estudyante ang pumapasok sa eskwela.

     Kwento ng ilang mga guro, nagtamo umano ng trauma ang mga bata epekto ng pananalasa ni bagyong Lando.

     Kaya naman ngayong linggo ay magsasagawa muna umano ang pamunuan ng paaralan ng stress debriefing activities para sa mga bata.

    Isa lamang ang Sumacab Elementary School sa mga napinsala ni bagyong Lando sa lungsod. Mga nasirang kagamitan at maruming kapaligiran ang iniwan ng bagyo sa mga apektadong paaralan.

   Sa San Josef Elementary School, maraming aklat at learning materials ang nasira at lumubog sa baha. Dahil dito, kanya-kanya ng estratehiya ang mga guro sa pagtuturo sa mga bata.

    Pagdating naman sa kapaligiran, kahit papaano ay nabawasan na umano ang problema sa putik o banlik. Ito ay dahil sa pagtutulungan at tuluy-tuloy na paglilinis ng mga volunteers, mga guro, mga magulang at estudyante sa kani-kanilang mga paaralan.

    Samantala, sa kabuuan ay unti-unti na umanong nasosolusyonan ang mga natitira pang problema sa mga paaralan, kaya naman hinihikayat na rin ng mga kaguruan ang mga estudyante na pumasok na upang pormal nang masimulan ang klase. – ULAT NI JANINE REYES.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *