Ilang mga botante, inilahad ang mga katangiang hinahanap nila sa mga kandidato

Inilahad ng ilang mga botante ang mga katangiang hinahanap nila sa mga kandidatong kanilang iboboto para sa Barangay at SK Election sa mayo 14.

Sa pahayag ng ilang mga botante sa bayan ng San Isidro, sinabi ng mga ito na ang hinahanap nila sa isang kandidato ay ang may isip at puso at tunay na maglilingkod at may magagawa para sa kanilang barangay.

Habang ang iba naman ay nais ang mga kandidatong may katapatan, paglingap at paggalang sa kapwa at marunong makisama.

Damang-dama na ang eleksyon dahil sa kaliwa’t kanan na pangangampanya ng mga kandidato sa iba’t-ibang barangay ng lalawigan.

Sa pag-iikot ng aming news team, may napansin na kaming ilang kandidato na lumabag sa mga patakaran sa pangangampanya.          

Kaugnay nito, nagpaalala si Josephine Galang, Election Officer ng ComElec ng San Isidro patungkol sa ilang mga patakaran sa pangangampanya. Aniya, ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga campaign materials sa mga puno, poste, paaralan, barangay hall at iba pa.

Ayon pa kay Galang, maaaring ipagbigay alam sa kanila ng publiko kung sakaling may makita silang lumalabag sa mga patakarang itinakda upang sila mismo ang makikipag-usap sa kandidato.

Dagdag pa nito, P5 lamang ang maaaring gastusin ng kandidato para sa isang botante. Nanawagan din ito sa mga kandidato na sumunod sa mga alituntunin upang magkaroon ng maayos na eleksyon.

Samantala, ang mga kandidato para sa Barangay at SK Election ay mayroong 9 na araw para mangampanya na nagsimula noong May 4 at matatapos sa May 12. –Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *