Inirereklamong Poultry Farm sa Guimba, pansamantalang sinuspende ng Sangguniang Bayan

Dumulog sa Sangguniang Bayan ng Guimba ang mga nagrereklamong residente ng Barangay Yuson ng naturang bayan upang hilingin ang pagpapasara ng JBL Poultry Farm dahil sa perwisyong dulot ng mga langaw na nagmumula doon.

Humarap ang mga nagrereklamong residente, manager ng JBL Poultry Farm, kanilang Punong Barangay, Inspector at Doktor ng Municipal Health Office at Municipal Veterinarian, sa Joint Committee Hearing ng Committee on Human Rights, Committee on Health at Committee on Barangay Affairs, kahapon July 31, 2019.

Ayon sa tagapagsalita ng mga nagrereklamong residente na si Rosario Ramos, hindi na normal ang kanilang pamumuhay sa kanilang lugar dahil sa dami ng mga langaw na kanilang nakakasalamuha sa araw-araw.

Aabot aniya sa dalawang daan at limampung mga kabarangay nila ang pumirma sa kanilang petisyon para tuluyan nang maipasara ang farm, dahil ilan na rin umano sa kanila ang sumasakit ang tiyan.

Aminado naman si Farm Manager Wilfredo Guadis na marami talagang langaw ang naglipana sa Barangay Yuson kahit pa nga sumusunod naman aniya sila sa tamang pangangalaga ng manukan kaya humihingi ito ng isang buwang suspensyon upang kanila umanong masuri ang kanilang naging kakulangan.

Nakapagbigay na rin aniya sila ng mga pang-spray sa mga kabahayang apektado upang mapuksa ang mga langaw.

Ang JBL Poultry Farm ay may kapasidad na 152, 000 na manok, may lawak na 4.8 hectares at kada tatlumput limang araw kung magharvest.

Ilang paglabag sa Municipal Ordinance at Provincial Ordinance ang nabatid sa naturang Committee Hearing, una na dito ang Panlalawigang Kautusan Bilang 2-serye ng 2015 Seksyon 1.2, na nagtatakda sa mga manukan na dapat ang distansya o layo nito sa bahayan ay tatlong kilometro, gayundin tatlong kilometro sa pinakamalapit na lansangan upang matiyak na sa panahon ng pag-ani ng mga manok ay maiiwasan ang mga langaw na kayang lumipad mula lima hanggang walong kilometro ang layo.

Sumunod ay ang Municipal Ordinance No. 16-series of 2017 Section 3a, kung saan nakasaad na lahat ng establisyemento, kompanya o industriya ng manufacturing ay nararapat na tumanggap ng mga kwalipikado at taal na residente ng naturang munisipalidad.

Nabatid din mula kay Rural Sanitation Inspector III Editha Garcia ang ilan pang paglabag base sa kanilang naging inspeksyon noong July 23, 2019 katulad ng kakulangan sa PPE o Personal Protective Equipment ng kanilang mga tauhan at napag-alaman din na walang Sanitary Permit ang JBL para ngayong taong 2019.

Dahil sa mga paglabag ay inirekumenda ni Konsehal Virgilio Fabros sa SB ang pansamantalang suspensyon sa naturang farm hanggang wala pang inilalabas na desisyon ang Sangguniang Bayan.β€”Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *