Irrigator’s President, nabigong patayin ng 3 magsasaka; Bangkay ng diumano’y tulak ng illegal na droga, itinapon sa compound ng DENR

   Nabigong mapaslang ng tatlong magsasaka ang kasalukuyang presidente ng Maasin Dam Irrigator’s Association sa barangay Maasin, bayan ng Talugtog.

   Nagtamo ng maraming tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Crisante Cerbo y Gonzales, 58-anyos, may asawa, at residente ng naturang lugar.

Pinagtangkaang patayin ng 3 magsasaka na si Crisante Cerbo, presidente ng Maasin Irrigator’s Asso. Sa bayan ng Talugtog.
Pinagtangkaang patayin ng 3 magsasaka na si Crisante Cerbo, presidente ng Maasin Irrigator’s Asso. Sa bayan ng Talugtog.

   Habang ang mga suspek ay kinilalang sina Dominador Blanco, 48, may asawa; Rogelio delos Reyes, singkwenta’y singko anyos, may asawa, dating pangulo ng nasabing asosasyon, at Rexson Picaso, 26, may asawa, lahat ay pawang naninirahan sa nabanggit na barangay.

   Base sa inisyal na imbestigasyon ng Talugtog Police Station, 4:00 ng madaling araw, abala sa pagkukumpuni ng bunkhouse ang biktima nang dumating ang tatlo at bigla na lamang itong pinagbabaril pagkatapos ay mabilis na tumakas.

   Kaagad namang naisugod sa PJGMRMC Hospital sa Cabanatuan City ang biktima samantala naaresto ng mga rumespondeng otoridad ang mga suspek at dinala sa istasyon ng pulisya.

   Pantabangan- Itinapon ang bangkay ng isang diumano’y tulak ng droga sa compound ng opisina ng Department of Environment and Natural Resources Seed Production Area sa Sitio Bayabas, barangay Poblacion.

   Natagpuan ng mag-asawang Normelinda Garcia habang nangangahoy ang bangkay ng diumano’y pusher sa compound ng DENR sa bayan ng Pantabangan

Natagpuan ng mag-asawang Normelinda Garcia habang nangangahoy ang bangkay ng diumano’y pusher sa compound ng DENR sa bayan ng Pantabangan
Natagpuan ng mag-asawang Normelinda Garcia habang nangangahoy ang bangkay ng diumano’y pusher sa compound ng DENR sa bayan ng Pantabangan

   Ayon kay Normelinda Garcia, 11:50 ng umaga nangangahoy sila ng kanyang asawa sa naturang lugar ng makalanghap ng masangsang na amoy at nang hanapin nila ang pinagmumulan nito ay natagpuan nila ang bangkay ng isang lalaki.

   Nakabalot ng kulay brown packaging tape ang mukha ng biktima, nakatali ng basahan at tape ang mga kamay, 145 centimeters ang taas, nasa edad 30 hanggang 40, maputi, malaki ang katawan, at nakasuot ng Bum green shorts, gray underwear, at may silver na sing-sing sa kaliwang palasingsingang daliri.

   Nadiskubre ng SOCO na may kulay green na damit na nakabusal sa bibig ng biktima na nakatali ng alambre, nakapulupot sa leeg nito na ang dulo ay nakita sa bulsa ng shorts nito na may cardboard na nakasulat na “DRUG PUSHER AKO”.

   Napag-alaman ding may sugat sa ulo ang biktima at apat hanggang limang araw na ang nakalilipas ng itapon ito sa lugar kung kaya naaagnas at inuuod na ang bangkay nito.- ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *