Isa sa mga LET passer ng ELJMC, pinasok ang iba’t ibang trabaho maitaguyod lamang ang pag-aaral

Sa murang edad pa lamang ay batid na ni Maricris Datu ang kalagayan ng kanilang pamumuhay, hindi man salat ay hindi rin naman mayaman, kaya naman sa edad na anim ay natuto na itong magbenta ng gulay sa kanilang lugar upang makatulong sa kanyang mga magulang.

Si Maricris na taga Barangay Macatbong, Cabanatuan City ay isa sa mga nakapasa sa katatapos na Licensure Examination for Teachers at scholar sa ELJ Memorial College na maituturing na isang kahanga-hangang kabataan ng kasalukuyang panahon dahil sa pagsusumikap sa buhay maabot lamang ang hinahangad na pangarap.

Kwento ni Maricris, hindi man siya inoobliga ng mga magulang upang magtrabaho para makatulong sa pantustos sa kanyang pag-aaral ay nagpursige itong mamasukan para kumita ng pera.

Naranasan aniya nitong maging kasambahay, tindera sa palengke at waitress sa isang restaurant dito sa Lungsod ng Cabanatuan habang nag-aaral dahil sa kagustuhang makatulong sa kanyang pamilya.

Aniya, pangarap nitong maging instrumento at maging kabahagi sa pagkamit ng mga pangarap ng mga kagaya niyang kabataan na lumaki sa mahirap na buhay.

Kaya naman laking pasalamat niya na nariyan ang ELJMC at si Governor Aurelio Umali para sa mga kagaya niyang kapos-palad na naging bahagi ng kanyang buhay sa pagkamit ng kanyang pangarap na maging isang ganap na guro.

Ayon kay Maricris dumaan din sa malaking dagok ang kanilang buhay ng kanyang pamilya nang mamatay ang kanyang nakababatang kapatid kung saan naibenta nila ang kanilang mga ari-arian upang maisalba sana ito sa kanyang naging karamdaman, ngunit sa kabila nito ay nanatili aniyang matatag ang kanilang pamilya.

Mensahe ni Maricris sa lahat ng mga kagayang niyang nangangarap na huwag huminto sa pag-abot nito at manatiling matatag sa buhay ng may pananalig sa Diyos.

Ang ELJMC ang may pinakamataas na passing rate sa LET sa Bachelor of Elementary Education at Bachelor of Secondary Education sa lahat ng Universities at Colleges sa buong Nueva Ecija.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Isa sa mga LET passer ng ELJMC, pinasok ang iba’t ibang trabaho maitaguyod lamang ang pag-aaral


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *