ISA SA MGA NAGREKLAMO SA MAG LIVE-IN PARTNER NA SINA CRISTINA SERGIO AT JULIUS LACANILAO, EKSKLUSIBONG NAKAPANAYAM NG BALITANG UNANG SIGAW

Eksklusibong nagpa-interview sa Balitang Unang Sigaw ang isa sa mga inalok umano ng trabaho ni Cristina Sergio sa ibang bansa, upang pasinungalingan ang naging pahayag ng maglive-in partner na hindi raw sila mga recruiter.

Para proteksyunan ang kaligtasan ng isa sa mga nagreklamo laban kay Sergio ay itinago namin ito sa pangalang “Mona”.

Sa aming eksklusibong pakikipanayam kay “Mona”, handa aniya silang ituloy ang kaso laban sa mag live in partner na sina Sergio at Julius Lacanilao upang makatulong sa kababayang si Mary Jane.

Base sa reklamo ng mga complainant, pinangakuan sila ng trabaho sa ibang bansa nina Sergio, Lacanilao, at ng dalawa pang hindi nakikilalang mga tao.

Ayon kay “Mona”, disi sais anyos pa lamang siya ng alukin ni Sergio ng trabaho sa ibang bansa, bagay na tinanggihan niya sapagkat wala pa siya sa tamang edad noong mga panahong iyon.

Dagdag ni “Mona”, hindi tumigil si Sergio at nagpabalik-balik pa sa kanilang bahay upang kumbinsihin siyang magtrabaho sa ibang bansa bilang kasambahay.

Isa lamang si “Mona” sa labing-apat na nagreklamo laban kina Sergio at Lacanilao, kung saan nasa Preliminary Investigation pa ang labing isa, kabilang na ang kaso ni Mary Jane.

Samantala, nakatakda sa June 9, ganap na alas dyes ng umaga, ang arraignment ni Sergio at Lacanilao para sa kasong Large Scale Illegal Recruitment na isinampa ng tatlong complainant, sa RTC Branch 37.

Ang kasong Illegal recruitment ay isinasampa sa mga hindi lisensyadong kumpanya o indibidwal na sangkot sa anumang pagkontrata, pag-gamit, pagkuha ng mga manggagawa, kasama na ang pangakong trabaho sa ibang bansa, sa tatlo o higit pang tao.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *