Japanese Language and Culture training room ng Pamahalaang Panlalawigan, pinasinayan

Pinasinayan na ang bagong Japanese Language and Culture training room ng Pamahalaang Panlalawigan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong September 12, 2019.

Ito ay kaugnay ng muling pagbubukas ng libreng Nihonggo Training ng Provincial Government na nagbibigay ng oportunidad sa mga mamamayang Novo Ecijano na matuto ng naturang lenggwahe upang makahanap ng mas magandang trabaho.

Ang bagong Japanese Language and Culture training room ng Pamahalaang Panlalawigan na matatagpuan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay Maria Luisa Pangilinan, Program Director ng Language Skills Institute (LSI) at Manager ng Provincial Public Employment Service Office(PESO), ang libreng pagsasanay ay sinimulan sa ilalim ng administrasyon ni former Gov. Cherry Umali at ipinagpapatuloy ngayon ni Gov. Oyie Umali.

Ang dalawampu’t limang enrolees ay kailangang makumpleto ang 360 hrs training sa loob ng tatlong buwan upang makuha ang Preparatory Certificate para sa National Certificate (NC) 2 ng TESDA.

Dagdag pa ni Pangilinan, ito ay malaking tulong para sa mga Novo Ecijano na hindi kayang makapag-aral sa pribadong training center na aabot sa halos P20,000 ang gastos.

Tiniyak din ni Pangilinan na hanggang sa paghahanap ng mapapasukan ay tutulungan din nila ang mga completers sa local man o abroad.

Bukod sa Nihonggo at English ay plano na rin ng Pamahalaang Panlalawigan na dagdagan pa ang course training upang mas marami pa ang matulungang Novo Ecijano.

Sa kasalukuyan ay nagsimula na ang dalawampu’t limang enrolees sa kanilang klase noong lunes, Sept. 16.

Para sa mga interesado na mapasali sa next batch ay maaaring magtungo sa kanilang opisina sa Old Capitol, Cabanatuan City. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *