Kalayaan sa kahirapan, hangad ni Gov. Cherry Umali sa pagdiriwang ng ika-121 taong Araw ng Kalayaan

Nagtipon – tipon sa harap ng lumang kapitolyo sa Cabanatuan City ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, mga lider ng sangay ng pamahalaan at mga ordinaryong indibidwal sa pangunguna ni Gov. Czarina “Cherry” Umali bilang pakikiisa sa paggunita sa Araw ng Kalayaan kahapon, June 12, 2019.

Sa talumpati nito sa nasabing programa, ipinahayag nito ang kanyang pagnanais na tuluyan nang makalaya sa kahirapan ang bawat pamilyang Novo Ecijano at hindi na maging maramot ang hustisya lalo sa mga mahihirap.

Nagpasalamat naman ang gobernadora sa mga empleyado ng kapitolyo sa pagsama nito sa kanya sa pagpapaunlad ng lalawigan.

Hinikayat din ng Ina ng Lalawigan ang mga emplayado na ipagpatuloy ng mga ito ang pagsuporta sa pamahalaan sa pagpapayabong ng lalawigan tungo sa kaunlaran at mas ikabubuti ng taumbayan.

Bukod sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ay dumalo rin sa naturang programa sina 1st District Board Member Baby Palilio, 4th District Board Member Nap Interior, Bokal Macoy Matias, Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis at NEPPO Provincial Director PSSupt. Leon Victor Rosete.

Tuwing sasapit ang araw ng kalayaan ay inaalala rito ang makasaysayang pagpapahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kalayaan ng Pilipinas noong June 12, 1898 na nangyari sa Kawit, Cavite kung saan ay dinaluhan at sinaksihan ito ng mga rebolusyonaryo at makabayang Pilipino.

Dito rin unang tinugtog ang Pambansang Awit na kinatha ni Julian Felipe kasabay ang una ding pagtataas ng Pambansang Watawat na tinahi nina Marcela Agoncillo, anak nitong si Lorenza Agoncillo at ang pamangkin ni Dr. Jose Rizal na si Delfina Herbosa Natividad. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *