Kapayapaan at pagmamahalan, mensahe ng Kapistahan ng Tatlong Pantas sa Gapan City ngayong taon

Tuwing sasapit ang ika-anim ng Enero ay nagpupunta sa National Shrine of La Virgen Divina Pastora o kilala rin bilang Three Kings Parish Church sa Lungsod ng Gapan  ang libu-libong deboto upang magsimba at ipagdiwang ang kapistahan ng tatlong pantas o hari .

Sa aming panayam kay Sister Aurea Gotopeng, chairman ng Parish Pastoral Council ng Gapan City, kaya dinarayo aniya ang parokya ay dahil pinaniniwalaan ng maraming mga mananampalatayang Katoliko na mapaghimala umano ang tatlong hari at ang Birheng Divina Pastora  na siyang nagsisilbing daan sa Panginoon upang ipagkaloob ang panalangin ng mga ito.

Dagdag pa nito, ang mensahe ngayong taon ng pagdiriwang ng pista ay kapayapaan at pagmamahalan sa bawat isa para sa mas makabuluhan at mas pagpalain ang taong 2020.

Isa sa mga deboto na aming nakapanayam ay si Jennifer Villareal na taga-lungsod ng Gapan at nasa dalawampu’t limang taon nang nagsisimba tuwing Kapistahan ng Tatlong Pantas.

Aniya ang parati niyang ipinagdarasal ay ang kasiyahan at kalusugan ng kanyang pamilya na lagi namang ipinagkakaloob sa kanya.

Mahabang buhay at kagalingan naman sa kanyang karamdamang stroke ang ipinapanalangin ng sitenta anyos na si Nanay Merlita Boseta na ilang dekada nang nagsisimba sa Gapan City  tuwing January 6.

Naniniwala ang mga deboto na anuman ang nais na makamit o maabot sa buhay ay matutupad basta’t may matibay na pananalig sa Poong Maykapal.

Samanatala, maliban sa selebrasyon ng kapistahan ng tatlong hari ay ipinagdiriwang din ang Feast of the Epiphany o ang pagpapakita ng Panginoong sa sanlibutan na isinasagawa sa bawat unang linggo ng taon. –Ulat ni Jessa Dizon

Watch – Kapayapaan at pagmamahalan, mensahe ng Kapistahan ng Tatlong Pantas sa Gapan City ngayong taon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *