Kapitan at tanod sa Talavera, patay sa pamamaril ng tandem; SK Chairman sa Gabaldon, arestado sa buy-bust operation

Patay ang isang kapitan  at isang tanod nito matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Barangay Dimasalang Sur, Talavera noong December 15, 2019.

Dead on arrival sa Talavera General Hospital ang mga biktimang sina Christopher Antonio y Bondoc, 45 years old, may asawa, Barangay Captain ng Dimasalang Sur; at Rey Dela Cruz y Enriquez, singkwenta’y singko anyos, binata, tanod ng nasabing barangay.

Base sa report ng Talavera Police Station, ganap na 5:05 ng hapon habang papauwi ng bahay ang mga biktima sakay ng isang kulay blue na Kawasaki Bajaj CT100 tricycle (kolong-kolong) ay bigla na lang umanong sumulpot ang mga di kilalang suspek lulan ng itim at berdeng Yamaha Mio motorcycle at sila ay pinagbabaril.

Matapos ang pamamaril ay mabilis naman na nagsitakas ang mga suspek patungong kanlurang direksyon.

Samantala, arestado ang isang Sangguninang Kabataan Chairman sa isinagawang buy-bust operation ng Gabaldon Police Station at PDEA-Regional Office 3 sa barangay Cuyapa, Gabaldon noong December 13, 2019.

Kinilala ang suspek na si Sebastian Capon y Mediana, 19 years old, binata, SK Chairman at residente ng barangay Pinamalisan.

Nabili umano ng mga operatiba sa halagang Php500.00 mula sa suspek ang isang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Marijuana.

Nang madakip si Capon ay nakakuha pa sa kanya ang mga otoridad ng isa pang plastic sachet na may laman ng nasabing illegal na droga.- ulat ni Clariza de Guzman.

Watch – Kapitan at tanod sa Talavera, patay sa pamamaril ng tandem; SK Chairman sa Gabldon, arestado sa buy-bust operation


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *