Kapitan ng Bagting sa Gabaldon, umaapela ng tulong kay Gov. Cherry

     Umaapela ng tulong sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Governor Czarina “Cherry” Umali si Kapitan Edwin Lacandoza ng barangay Bagting, Gabaldon upang maipagpatuloy ang pagtatayo ng protection dike sa watershed ng Segum Creek.

     Ayon kay Kapitan Lacandoza nagbigay na ng suporta para sa proyekto si Mayor Rolando Bue galing sa 20% development fund ng lokal na Pamahalaan ng Gabaldon na nagkakahalaga ng PHP 1.5 million, habang PHP 300, 000.00 naman ang mula sa barangay.

Ang ipinagawang gabion dike sa watershed ng Segum Creek sa brgy. Bagting, Gabaldon na magsisilbing proteksyon sa pagguho nito.
Ang ipinagawang gabion dike sa watershed ng Segum Creek sa brgy. Bagting, Gabaldon na magsisilbing proteksyon sa pagguho nito.

     Ngunit dahil sa laki ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo, kakapusin ang inilaang pondo upang matapos ang ipinagagawang gabion dike para maprotektahan ang pagguho ng watershed ng Segum Creek, maging ng sapa sa Sitio Bateria.

Malapit nang maabot ng bato at buhangin mula sa gumuguhong bundok ang tulay ng Segum sa brgy. Bagting, Gabaldon.
Malapit nang maabot ng bato at buhangin mula sa gumuguhong bundok ang tulay ng Segum sa brgy. Bagting, Gabaldon.

    Tinatayang aabot pa umano sa halagang tatlong milyong piso ang kakailanganing budget upang tuluyang makumpleto ang dalawang proyekto.

     Isa ang barangay Bagting sa mga lubhang naaapektuhan tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan dahil sa flashfloods at landslides buhat sa kabundukan na dumadaan sa Segum Creek. Dahil dito, halos umabot na sa tulay ng Segum at sa mga kabahayan ang mga bato na tumabon galing sa gumuguhong bundok.

     Naabutan pa ng Balitang Unang Sigaw na kasalukuyang hinuhukay ang creek gamit ang equipment ng munisipyo bilang paghahanda sa pagdating ng bagyo.

     Pangamba ni Kapitan Lacandoza maging ng mga residente, kung hindi maisasaayos ang Segum Creek baka sa susunod na magkaroon ng malakas na bagyo ay hindi lamang kanilang mga tahanan at kabuhayan ang mawala kundi maging ang kanila ng mga buhay. – ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *